MAHIGPIT na babantayan ng Philippine National Police ang ilan sa mga lugar sa bayan ng Pandi, Bulacan partikular na sa mga barangay na mayroon reported vote buying incident kagaya ng Barangay Masagana at Bagong Barrio.
Kaugnay ito ng natanggap nilang impormasyon at insidente ng pagkakahuli sa isang kandidatong Kagawad ng Barangay hinggil sa paglabag sa Omnibus Election Code (Vote buying).
Ayon kay PLtCol. Rey Apolonio, hepe ng Pandi Police Station, hindi bababa sa isa o hanggang anim na taon ang pagkakakulong sa sino mang mapapatunayang nagkasala sa paglabag ng Omnibus Election Code (vote buying).
Nitong Sabado ay humarap sa Bulacan media ang ang isang complainant na kinilala sa alyas na “Caloy” kung saan siya umano ay tumanggap ng P1,000 mula sa kampo ni Kapitan Francisco Sandil ng Barangay Masagana kasabay ng pagkakahuli sa isang kandidatong Kagawad sa Barangay Bagong Barrio sa bayan ng Pandi.
Ipinakita ni Caloy sa media ang mga ID na galing sa kampo umano ni Kap Sandil na may kasamang P1,000 kapalit ng boto.
Pansamantalang di pinangalanan ang kandidatong umanoy naaktuhan ng mga rumorondang barangay tanod ng Bagong Barrio na bumibili ng boto. Ang suspek ay kasalukuyan nasa kustodiya ng Pandi Police for investigation.
Samantala pilit naman idinidiin ang pangalan ni incumbent Kapitan Kikoy Sandil ng Masagana sa umanoy pamimili ng boto sa kaniyang nasasakupan matapos isang nagngangalang Manilyn Goc-Ong, residente ng Ignacio St. Purok 1, Masagana ang nagsampa ng “Petition For Disqualification” sa Commission On Election (Comelec).
Sa limang pahinang complaint affidavit ni Goc-Ong, pinaratangan nito si Sandil ng wide-spread vote-buying in violation of the Omnibus Election Code.
Si Sandil ay re-electionist barangay captain ng Masagana kung saan kalaban nito si Carmelita “Lita” Vergara.
Sa kuwento ng isa sa mga residenteng ipinatawag umano ni kap Sandil na ayaw ipabanggit ang pangalan, Setyembre 29 siya ay nagtungo sa isang warehouse na pag-aari umano ng kapitan at doon sila kasama ang mga kapwa niya residente ay kinuhanan ng litrato at pagkaraan ay ipatatawag na lamang muli.
Ganito rin ang salaysay ni Goc-Ong sa kaniyang affidavit na kung saan sila ay pinabalik ng Oktubre 22 sa nasabing warehouse at binigyan ng ID card na mayroon kasamang P1,000 at sinabing…”Paunang bigay palang yan”.
Pahayag pa ng petitioner na pinababalik sila sa araw ng eleksyon at bibigyan muli ng karagdagang P2,000 kapag si Kap Sandil umano ang ibinoto.
Nagpasya umano si Goc-Ong na magsampa ng kaso laban kay Sandil upang matigil na aniya ang mga ilegal na bilihan ng boto sa kanilang lugar.
Paalala ni Col. Apolonio, magbabantay ang kaniyang mga tauhan 24/7 sa halos lahat na 22 barangay sa Pandi lalo na sa Masagana at Bagong Barrio para hulihin ang mga bumibili at nagbebenta ng boto.
Samantala, sinubukan naman makuha ang pahayag ni Kap Sandil subalit hindi ito mahagilap dahil sa busy sa pangangampanya.