‘VOTE BUYING’ GAWAIN NG MGA TALUNAN!

Kumikilos na ang mga kampon ng tila talunan na sa darating na Halalan 2022 (National at local election,) na ang tanging paraan upang magwagi ay tapatan ng salapi ang kahinaan ng mga nakararaming mahihirap na Pilipino, partikular na sa Lalawigan ng Bulacan.

Sa ulat ni Bulacan Governor Daniel Fernando, sa kanyang programang the People’s Governor, na may titulong, Ang Katotohanan, ‘Bulacan is not for sale,’ ay inihayag nito ang kanyang saloobin laban sa ‘vote buying,’ nitong nakaraang ilang araw.

GOB DANIEL FERNANDO


Ayon sa Gobernador, kanyang napag-alaman mula sa mga nagmamalasakit na kapwa Bulakenyo, na ang mga panloloko ng iilang tao ay hayagan, at may mga video pang ipinakikita na kasabwat ang ilang tao na tila mga kapanalig. Dahil dito ay hindi matahimik ang isipan ni Gov. Fernando, sa dahilang nakasalalay ang kinabukasan ng lahat. Ika nga niya walang katumbas na halaga ang ating prinsipyo. Bulacan is not for sale!

“Tandaan natin na ang pagboto po ay parang isang pagibig na walang katumbas na halaga, ito ay isang sagradong gawain, at isang patunay sa pag-iral ng isang demokrasya sa ating lalawigan at sa buong bansa, na matagal ng ipinaglaban at ipinaglalaban ng mga Pilipino simula pa noon mga nakaraang panahon. Tuwing ‘election’ po lamang nabibigyan ng boses ang mga ordinaryong mamamayan upang ipahiram ang kanilang kapangyarihan sa lider na kanilang pinagkakatiwalaan. Napakahalaga na ang ‘election’ ay maging matapat, malinis at malaya. Dahil hindi ito simpleng aktibidad lamang, kaya tulad ng nasabi ko napakalalim. Papantay ang mahirap sa mayaman. Kaya lubusan naman ang aking pagkadismaya at kalungkutan dahil sa kasalukuyang nangyayari na, inirereport ng ating mga kababayan sa inyong lingkod. Nang tayo ay gumawa ng kampanyang pagtutol sa ‘vote buying,’ bumuhos ang kaliwat kanang ulat hinggil sa mali at maruming gawain ng mga gustong maglingkod sa lalawigan. para lamang makamit ang kapangyarihan na matagal na nilang inaasam,” wika ni Gov. Fernando.

Tsk! Tsk! Tsk! Ano ba ang ‘vote buying?’ Ang bumibili ng boto ay isang taong nagbabayad o nangakong magbabayad ng salapi o anumang halaga sa isang botante o grupo ng mga botante, kapalit ng kanilang mga boto para sa, o laban sa sinumang kandidato sa panahon ng halalan. Nangangahulugan ito na ang pagbili ng boto ay hindi lamang nagsasangkot ng pagbabayad sa isang tao para bumoto para sa isang kandidato. Kundi pati na rin sa hindi pagboto para sa isang kandidato.

Bigyan pansin natin ang usap-usapan ng dalawang pasahero sa loob ng isang jeepney. Nakow! Iyun pang matandang iyun, Dyos ko pow! Haba na ng tahid nun’ sa kalokohan tuwing halalan! Sagot noong isa, sino iyung lolo ni Kordapyo! “Sabagay sanay naman kumain ng kanyang suka ang Lolo ni Kordapyo,” sambit pa ng pasahero. Tanong ko sa kanila sino po ba iyung Lolo ni Kordapyo? Hindi na sila kumibo hanggang sa nagsibaba na ng jeep.

Nagbigay din ng kanyang opinyon ang isa pa, hinggil sa ‘vote buying,’ “’Naturally bad’ iyon. Hindi pa sila nananalo, nandoon na ang ‘corruption!’ Hindi maganda sa mata ng tao at Diyos. Anong klasi kang kandidato kung binibili mo ang boto ng tao? Hayaan mo ang tao kung sino ang kanilang gustong iboto. Isa pa nakabababa ng moralidad ng isang kandidato yan.
Ako tatanggapin ko ang pera pero hindi ko siya iboboto. Dahil kung manalo man siya, tiyak na babawiin niya iyan sa kaban ng bayan.”

Tandaan na ang karapatang bumoto para sa isang kandidato na gusto mo, ay iyong pangunahing karapatang pantao. Huwag hayaan na ang iyong karapatan bilang isang tao ay nilalabag at sinasalaula ng ibang tao.

Batay sa tala, ilegal ba ang pagbili ng boto? Oo, ilegal ang pagbili ng boto sa Pilipinas. Ayon sa Seksyon 261 (a) ng Omnibus Election Code ng Pilipinas (Batas Blg. 881), ang pagboto at pagbebenta ay kabilang sa mga ipinagbabawal na gawa, na pinarurusahan ng batas.