NANAWAGAN si Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na ilabas na ang P7.92 bilyon na pondo para sa COVID-19 Laboratory Network sa ilalim ng 2022 national budget na maaaring magamit para sa mass testing para sa COVID-19.
Ayon kay Villanueva, nararapat lamang na hindi mabalam ang paglalabas ng pondo sa mga pampublikong pasilidad para maibsan ang hirap sa pagte-test sa mga tao kasabay ng paglobo ng bilang ng mga kaso ng omicron sa bansa.
Para magawa ito, kailangan daw umano ng mga ospital at iba pang institusyong pangkalusugan na bumili na ng testing kits at iba pang kagamitan sa laboratoryo para dito.
Dapat daw na i-trato na parang bakuna ang pondo sa testing. “Parang bakuna po iyan. Ipamahagi na po sana agad, na may markang ‘Do not delay,’” ani Villanueva, chairman ng Senate labor committee
Babala pa ng senador, ang pagkabalam ng paglalabas ng P7.92 bilyong pondo ay magreresulta sa hindi wastong bilang ng mga may sakit ng omicron variant ng COVID-19. Pero kung ito ay ipapamahagi na sa mga health facilities, makakapag-mass testing na ng libre para sa mga mamamayan.
“Nariyan po ang PhilHealth para i-proseso ang mga claims para sa reimbursement,” aniya.
Ayon pa kay Villanueva, nakasaad sa mga special provision para sa paggamit ng pondong P7.92 bilyon ay ang pagtatayo ng swab booths at pagsasagawa ng swab specimen collection at antigen rapid diagnostic testing.
“Pwede po itong basahin na mandato para sa libreng swab testing. Explicit po ang sinasabi ng General Appropriations Act: Magtayo ng pop-up testing centers,” sabi ni Villanueva, lalo daw diumano sa panahon ngayon na ang libreng pagpapa-swab ang tanging pag-asa ng mga manggagawa.
“Kung sa pribadong laboratory magtutungo ang isang essential worker na minimum wage earner, mag-aabono po sila nang katumbas ng isang linggo nilang sweldo upang mag-pa-RT-PCR swab,” dagdag pa nya.
Sa ilalim ng isang DOH circular noong Setyembre 6, ang presyo ng RT-PCR test ay hindi dapat lumagpas sa P3,360 para sa plate-based at P2,940 para sa GeneXpert sa mga pribadong laboratoryo.
“Klaro na po ang sabi doon sa probisyon na kailangan may sub-allotment agad sa mga DOH regional offices at iba pang mga government laboratories,” ani Villanueva.
Magagamit din daw ang pondong ito sa training para sa mga swabbers, para sa quality control, para sa recalibration ng aparato, at facility maintenance.
Bahagi din ng pondo ay mapupunta bilang “assistance” sa University of the Philippines National Institutes of Health (UP-NIH) at UP Philippine Genome Center (UP-PGC).