Villanueva: Pagpapalakas ng enterprise-based education at training, susi sa job-skills mismatch

Inisponsoran ni Senate Majority Leader Joel Villanueva nitong Martes ang isang panukalang naglalayong tugunan ang problema ng job-skills mismatch at employability ng manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas ng training initiative ng pribadong sektor.

Ang Senate Bill No. 2587 o mas kilala bilang “Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act” ang kasamang panukala ng Trabaho Para sa Bayan Act na nilagdaan bilang batas noong Setyembre 2023.

Senate Majority Leader Joel Villanueva

Layunin ng panukalang ito na magdagdag at magbigay ng framework para maging tulay ng lahat ng enterprise-based education and training modalities, kabilang ang mga umiiral na program sa apprenticeship, learnership, at Dual Training System (DTS).

 

“Kasabay ng ating mga inisyatibo upang lumikha ng dekalidad na trabaho, mahalaga pong tugunan ang pangangailangan ng kakayahan na tugma o akma sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya sa produksyon sa bansa,” pahayag ni Villanueva sa kanyang sponsorship speech.

Ayon kay Villanueva, dating pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang laganap na job-skills mismatch ay nakakadagdag sa  unemployment rate na 4.3% at underemployment rate na 12.3%, batay sa 2023 preliminary report ng Philippine Statistics Authority (PSA).

 

“Hindi po bago ang konsepto ng enterprise-based training. Base sa mga datos na ating nakalap at sa karanasan, basta’t ginawa ang pagsasanay sa loob ng mga pagawaan o sa loob mismo ng kumpanya, garantisadong akma ang skills sa trabaho,” sabi ni Villanueva.

Base sa 2020 at 2021 Studies on the Employment of Techvoc graduates, ang enterprise-based training modes na In-Company Training at Learnership ay nagtala ng pinakamataas na employment rate na umaabot ng 86.26% hanging 91.14%, kumpara sa ibang uri ng mga pagsasanay.

Ayon sa Majority Leader, maraming mga industriya ang matagumpay na nagsagawa ng EBET na pwedeng gayahin ng ibang mga industriya.

“Katulad na lang po ng training program na isinagawa ng TESDA at ng Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines (SEIPI), halos lahat ng mga trainees o 97% ay nabigyan ng trabaho. Ang training program naman ng TESDA at ng IT-Business Process Management (IT-BPM), umabot sa 70.7% ang agad nabigyan ng trabaho,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng panukala, ang TESDA ang mangunguna sa pagpapatupad ng framework at mga polisiya, kabilang ang mga alituntunin, program registration, quality assurance, at evaluation sa pagsasagawa ng EBET programs. 

Layunin din ng panukala na palakasin ang partisipasyon ng pribadong sektor bilang mahalang katuwang sa paglutas ng problema sa job-skills mismatch.

 

“Laging magkakaroon ng pagbabago sa larangan ng trabaho. Ang hamon po sa atin ay siguruhin na ang mga polisiyang gagalawan ng ating mga kababayan ay lilikha ng dekalidad na trabaho at magtatawid sa mga manggagawa patungo dito,” pagtatapos niya.