Pinangunahan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pamamahagi ng medical assistance funds mula sa Department of Health (DOH) para sa 10 ospital ng gobyerno sa seremonya na ginanap sa Quezon City Hall ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Villanueva, na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayon, Agosto 2, 2023, na isa sa kanyang prayoridad ay matiyak na gumaan ang pasanin ng bawat Pilipino sa napakamahal na gastusing medikal.
“Out-of-pocket health expenses remain to be the biggest burden for Filipinos,” pahayag ni Villanueva.
Ayon sa Philippine Institute of Development Studies (PIDS), 40 percent lang ng medical expenses ang sakop ng National Health Insurance Program ng pamahalaan.
Samantala, noong 2021, umaabot sa P10,000 kada taon ang gastusin ng bawat Pilipino para sa medical-related expenses, ayon sa Philippine Statistics Authority.
“Our main priority is to make sure that every Filipino gets the service that they deserve, not only in our legislative achievements in the Senate but also through the government’s social programs,” sabi ni Villanueva.
Pinasalamatan din niya si Quezon City Mayor Joy Belmonte, DOH Metro Manila Center for Health and Development OIC Director Dr. Pretchell Tolentino at ang Medical Directors ng 10 ospital sa kanilang dedikasyon na makapagbigay ng kalidad na health care services sa kanilang mga nasasakupan.
Ang 10 QC-based government hospitals na nakatanggap ng tig-P5 milyong medical assistance funds mula sa DOH at sa pamamagitan ng inisyatibo ni Villanueva ay ang East Avenue Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Orthopedic Hospital, Quirino Memorial Medical Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, Veterans Memorial Medical Center at Quezon City General Hospital.