Villanueva: Kailangan ang P2B fishing fuel subsidy mula sa dagdag kita sa oil tax

HALOS kalahati ng gastos sa pangingisda ay napupunta sa pang-gasolina sa bangka, kaya kailangan nang ipatupad ng gobyerno ang plano nitong gas subsidy sa mga mangingisda “na maaaring kuhanin mula sa windfall tax collection mula sa pagsirit ng presyo ng langis sa bansa”, ayon kay Senator Joel Villanueva. 

SENATOR JOEL VILLANUEVA

“Sa isang pag-aaral, higit sa kalahati ng presyo ng mga isdang dagat tulad ng galunggong ay dahil po sa presyo ng gasolina,” ayon kay Villanueva. 

“Kalahati ng presyo ng isdang matang baka na nasa merkado ngayon ay napupunta sa pagbawi ng gastos sa gasolina na ginamit sa panghuhuli nito,” pagpapatuloy ng Senador. 

Kaya nanawagan si Villanueva sa gobyerno na itaas sa P500 milyon ang fuel subsidy program para sa mga magsasaka at mangingisda, “at magbigay ng fuel subsidy para sa mga mangingisda sa inisyal na halagang P2 bilyon.” 

“Hiwalay po dapat ang para sa 1.7 milyon na mangingisda dahil 27 porsiyento ang poverty rate sa sector na ito,” dagdag pa ni Villanueva.

 Sinabi ng Senador na ang ipinapanukala niyang P2 bilyong fuel subsidy para sa mga mangingisda ay mas mababa kumpara sa P2.5 bilyong fuel subsidy na ipinag-utos na ipamudmod ni Pangulong Duterte sa mga driver at operator ng jeep, bus, ride-hailing, delivery service at iba pang mga land transport vehicle. 

“Ang tulong sa mangingisda ay tulong sa ating mamamayan. Sa ngayon, 13 percent ng food budget ng pamilyang Pilipino ay napupunta po sa isda,” ayon kay Villanueva. 

Subalit maraming dahilan ang pagtaas ng presyo ng isda tulad ng pagkaubos ng fishing stock, polusyon, mataas na presyo ng langis, kawalan ng access sa West Philippine Sea na nagtutulak pataas sa presyo ng non-farmed na mga isda habang pinapababa naman ang huli ng ating mga mangingisda nang may 2 porsiyento noong isang taon. 

Sa ginawang paghahambing ng gobyerno ng mga presyo noong 2020 at 2021, lumabas na tumaas ang presyo ng galunggong, dilis at dalagang-bukid ng 12 porsiyento. “Pero sa palengke, mas malaki pa po ang itinaas,” diin ni Villanueva. 

Sinabi pa ni Villanueva na maaaring kunin ng gobyerno ang P2 bilyong fuel subsidy para sa mga mangingisda mula sa mas mataas na koleksyon ng buwis sa mga produktong petrolyo. 

“Ang VAT ay percentage tax. Kaya kapag tumaas ang presyo ng gasolina, tataas rin ang singil sa VAT kada litro. Ang gobyerno ang unang tumutubo sa higher pump prices,” ayon sa Senador. 

Bago pumalo sa mas mataas na presyo ang gasolina na resulta ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, nakakakolekta na ang gobyerno ng average na P13 bilyon kada buwan mula sa mga ipinapataw na buwis sa mga produktong petrolyo. 

“Nakakolekta ang gobyerno ng P367.3 bilyon mula sa mga buwis sa mga produktong petrolyo sa nakalipas na 29 buwan mula noong Setyembre 2019. At ito po yung panahon na bumaba ang presyo ng gasolina dahil sa pandemic.” 

Binanggit pa ni Villanueva na kahit pa ibalik ang “circuit breaker” na probisyon sa ilalim ng TRAIN Law na nagsususpinde sa pagpapataw ng excise tax sa gasolina kapag pumalo na sa $80 ang presyo ng langis kada bariles sa loob ng tatlong buwan, makikinabang pa rin ang gobyerno sa windfall tax collection. 

“Kailangang suspindehin ang excise tax at suportado rin natin ang pagbibigay ng fuel subsidies. Dapat maibalik sa ating mga kababayan ang dibidendo mula sa mas mataas na tax collection. Gamitin ang kinikita ng gobyerno para sa maibsan ang hirap ng ating mga kababayan,” ayon sa senador.