Hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamahalaan na paigtingin pa ang mga programa para ma-reskill at ma-upskill ang mga Pilipino upang mabigyan sila ng mas malawak na oportunidad sa trabaho.
Sa briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) para sa panukalang 2024 budget, winelcome ni Villanueva ang P9.18 bilyong alokasyon para sa mga programang makakatulong para madagdagan ang trabaho sa bansa.
Kabilang dito ang Government Internship Program, Special Program for Students, Jobstart Philippines, Supporting Innovation in the Philippine Technical and Vocational Education and Training System, Special Training for Employment Program, Training for Work Scholarship Program at Tulong Trabaho Scholarship Program.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), may malaking mismatch o hindi tugma ang skills ng mga school graduates sa mga oportunidad sa trabaho sa fast-evolving sectors na nauugnay sa digital technology at green economy.
Binigyang-diin din ng NEDA na kailangang matiyak ang employability ng mga manggagawa, lalo na ang pagbuo ng oportunidad para sa de-kalidad na mga trabaho.
“This is exactly why we need a reskilling and upskilling revolution to have a competitive and resilient workforce for the 4th Industrial Revolution so that our people will have a better shot at sustainable and quality employment,” pahayag ni Villanueva.
Ang upskilling ay pagdagdag o pagtaas na kasanayan o kahusayan ng isang manggagawa habang ang reskilling ay may kinalaman sa muling pagsasanay ng isang manggagawa sa bagong larangan.
Sabi ni Villanueva, ang proposed interventions para sa upskilling at reskilling ay dumadaan sa masusing pagbusisi ng Senado sa gitna ng deliberasyon ng pondo ng mga kagawaran ng pamahalaan.
“We want to know the specific training or courses in the programs, the number of beneficiaries and the extent to which these programs will help achieve the target 4.4% to 4.7% unemployment rate in 2024,” saad pa ng senador.
Ayon pa kay Villanueva, ang pabago-bagong unemployment rate ay naaapektuhan ng notorious seasonal jobs.
“Our unemployment rate is usually low during peak seasons like the Christmas season, then unemployment increases after. This is evident in the agriculture and tourism sectors,” ani Villanueva.
Sabi pa ng Majority Leader, bumaba ang unemployment rate sa 4.3% noong Disyembre 2022 mula sa dating 5.3% noong Agosto ng taong ding iyon.
Base sa 2022 International Monetary Fund data, ang unemployment rate sa Thailand ay 1%, 2.1% sa Singapore, 2.4% sa Vietnam at 3.6% naman sa Malaysia.
“Compared to our ASEAN counterparts, we are lagging behind when it comes to employability and creating quality jobs which is why we need to implement a National Employment Masterplan to identify the needs of the labor sector,” ani Villanueva.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2035 o Trabaho para sa Bayan Act na inihain ni Villanueva, layunin na magbuo ng komprehensibong employment masterplan kung saan pagsisikapan ng gobyerno na tugunan ang employment challenges ng bansa sa pagbuo ng kalidad na trabaho at mga oportunidad para sa lahat, gayundin ang isyu ng job-skills mismatch.
Ipinasa na ang panukala sa ikatlong pagbasa sa Senado noong Mayo 2023.