Villanueva: 3,000 OFWs sa HK nakatanggap ng gov’t aid sa pamamagitan ng Action Center

Binigyang-din ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat pagsikapan ng pamahalaan na masigurong  naibibigay ang kinakailangang tulong at suporta para sa lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ito ang pahayag ni Villanueva matapos dumalo sa pagtitipon ng mga OFW sa International Center sa Sham Shui Po, Kowloon, Hong Kong noong Linggo, Marso 17, kung saan mahigit 3,000 OFWs ang nakatanggap ng medical, educational at iba pang uri ng tulong sa pamamagitan ng Tesdaman Action Center bilang bahagi ng kanyang adbokasiya na maabot ang mga Pinoy sa ibang bansa.

“Dapat ilapit po ang serbisyo ng gobyerno sa bawat Pilipino saan man sila sa mundo. No Filipino should be left behind when it comes to providing immediate and adequate government services”, sabi ni Villanueva, principal sponsor at author ng Department of Migrant Workers (DMW) Act.

Naimbitahan din sa pagtitipon ang Philippine Consulate at Migrant Workers Office (PCG-MWO) na pinamumunuan ni Consul General Germinia V. Aguilar-Usudan para magbigay ng consular at migrant workers-related services para sa mga OFW sa Hong Kong.

Ayon sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), 173,123 OFWs na karamihan ay domestic workers ang nagtatrabaho sa Hongkong sa kasalukuyan.

“Mahalaga pong gawing prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan at proteksyon ng ating mga bagong bayani na lubos na nagsasakripisyo para sa kani-kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas,” diin ng senador.
 
Isa si Villanueva sa mga mambabatas na nagsulong na mapasama sa 2024 National Budget ang P1 bilyon para sa Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund  sa ilalim ng pondo ng DMW, P1 bilyon para sa Assistance to Nationals (ATN) fund at P200 milyon para sa Legal Assistance fund sa ilalim ng badyet ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa pagbibigay ng legal, medical, financial at iba pang uri ng tulong kabilang ang repatriation, evacuation, rescue at iba pang kinakailangang intervention para maprotektahan ang mga Pinoy abroad.

“Being there for our OFWs is our way of recognizing their hardships and deeds, not only for their families, but for the country and economy as well,” ayon sa Majority Leader.

Sa talaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa USD 37.2 bilyon ang personal remittances ng mga OFW, na katumbas ng 8.5% ng Gross Domestic Product ng bansa noong 2023.