US, Japan muling inihayag ang matatag na ugnayan sa Pilipinas

US, Japan muling inihayag ang matatag na ugnayan sa Pilipinas - Araw ng Kagitingan 2023
Pinangunahan nina Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko, Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at United States Embassy Chargé d’Affaires Ad Interim Heather Variava ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng mga beterano sa Mt. Samat National Shrine sa Pilar, Bataan bilang paggunita sa ika-81 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan. (PCO)

Muling inihayag ng Estados Unidos at Japan ang matatag nilang ugnayan sa Pilipinas, walong dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

 

Sa mensahe ni Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko sa paggunita ng ika-81 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ay kanyang ipinaabot ang pakikidalamhati sa mga naging biktima ng digmaan at pagpupugay sa mga beteranong may malaking kontribusyon sa kapayapaan at seguridad na tinatamasa ngayon ng lahat.

 

Kanya ring sinabi ang nararamdamang pagsisisi ng mga mamamayan ng Japan sa naging parte ng kanilang bansa noon sa digmaan na sa kabila nito ay kanila ring ipinagpapasalamat ang kagandahang loob at pagpapatawad ng mga Pilipino.

 

Sa walong dekada aniya na lumipas ay naging mas matatag ang ugnayan ng Pilipinas at Japan simula ng maitatag ang Japan-Philippine Strategic Partnership noong 2011.

 

Binanggit din ni Kazuhiko sa kanyang talumpati ang bilateral cooperation ng dalawang bansa sa pagpapalago ng  ekonomiya, seguridad, at people-to-people exchange.  

 

Patuloy aniyang nakasuporta ang Japan sa Pilipinas sa panahon man ng krisis o kasaganaan gayundin ay umaasang maiaangat pa sa mas mataas na antas ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng magkatuwang na pagsisikap. 

 

Samantala ay ipinahayag naman ni United States Embassy Chargé d’ Affaires Ad Interim Heather Variava na ang ganitong okasyon ay pagkakataon upang kilalanin ang sakripisyo ng mga beterano.

 

Patuloy aniyang nakikipagtulungan ang embahada sa Department of National Defense at Philippine Veterans Affairs Office upang lubos na kilalanin ang kagitingan ng mga beterano sa pamamagitan ng pagawad ng US Congressional Gold Medal. 

 

Pahayag ni Variava, ang medalyang ito ay isa sa pinakamataas na parangal na ibinibigay bilang pagkilala sa serbisyo at tagumpay ng mga taong nakatutulong sa paghubog ng kasaysayan ng Amerika. 

 

Aniya, hinubog ng mga beteranong Pilipino ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kasaysayan ng Pilipinas at Estados Unidos dahil sa kanilang sakripisyo at kagitingan. 

 

Sinabi ni Variava na sa ngalan ng kanilang bansa ay kaniyang inaalay ang paggalang sa sakripisyo at pagtupad sa tungkulin ng mga kasundaluhang Pilipino at Amerikano na nag-iwan ng pamana sa lahat. 

 

Naninindigan aniya ang Estados Unidos bilang matibay na kaalyado at kaibigan ng Pilipinas na patuloy nagkakaisa at nagbibigay inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon. 

 

Sa kabilang banda ay ibinalita ni Variava na inaasahang nasa 12,000 tropa ng Amerika ang bibisita sa Pilipinas ngayong buwan upang magsanay kasama ang mga kasundaluhang Pilipino sa maituturing na pinakamalaking Balikatan Exercises. 

 

Ang paggunita sa Araw ng Kagitingan ngayong taon ay may temang “Kagitingan ng mga Beterano, Pundasyon ng Nagkakaisang Pilipino.”

SOURCE: Camille C. Nagaño PIA3