LUNGSOD NG MALOLOS – Tatalakayin ni Kagalang-galang MaryKay Carlson, Embahador ng Estados Unidos sa Pilipinas, ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos at ang epekto nito sa Bulacan sa programang “Usapang Dangal” sa Abril 29, 2023 na gaganapin sa North Polo Club, Pulilan, Bulacan.
Ang nasabing forum ay programa ng Dangal ng Bulacan Foundation, Inc. (DBFI) kung saan panauhing pandangal si Embahador Carlson sa unang face-to-face na talakayan matapos ang pandemya.
Inaasahan rin ang posibleng pagtutulungan sa mga programa sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kasama ang DBFI at Embahada ng Estados Unidos.
Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng aktibidad na ito, layunin din ng DBFI na maipalaganap ang mga impormasyon at mapataas ang kamalayan sa nasyunal na lebel; mapagbuklod ang mga pinarangalan ng Gawad Dangal ng Lipi; at mapagsama-sama ang mga opisyal ng gobyerno at mga lider sa pribadong sektor sa mga pangunahing industriya upang talakayin ang mga oportunidad sa hinaharap.
Bilang ang lalawigan ay itinuturing na Philippine’s springboard of development ayon sa DBFI, ang atensyon at suporta mula sa mga kapanalig nito, lalo na ang mula sa Amerika ay magiging makabuluhan at lubos na mabebenepisyuhan ang lalawigan.
Inaasahan rin ang pagdalo sa forum ni US Embassy Press Attaché Kanishka Gangopadhyay.
Samantala, dadaluhan rin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang programa upang salubungin ang mga panauhing pandangal at ibahagi ang kaniyang mensahe hinggil sa mga paparating na mahahalagang proyekto sa lalawigan.
Ang DBFI ay isang non-stock, non-profit na organisasyon na itinatag ng mga tumanggap ng Dangal ng Lipi Award na siyang pinakamataas na pagkilalang iginagawad sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.