CAPAS, Tarlac (PIA) — Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang StB GIGA Factory Inc. sa New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac na kauna-unahang Lithium Iron Phosphate manufacturing facility o gawaan ng baterya ng mga electric vehicles (EVs) sa Pilipinas.
Dito binigyang diin ng pangulo na malinaw ang mensahe ng Pilipinas sa mundo na patuloy ang ginagawang inobasyon sa bansa.
Handang handa rin aniya ito na paglagakan ng mga high-tech at high-impact na uri ng pamumuhunan.
Ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and Chief Executive Officer Joshua Bingcang, bahagi ito ng resulta ng state visit at paglahok ng pangulo sa idinaos na Special Summit ng Association of South East Asian Nations at Australia na ginanap sa Melbourne noong Marso 2024.
Naging pagkakataon ito upang malagdaan ang isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng BCDA at StB GIGA Factory Inc. para sa P2 bilyong pamumuhunan ng Australian-firm na StB Capital Partners ng St. Baker na maitayo ang naturang planta.
Para kay Australian Ambassador to the Philippines Hae Kyong Yu, patunay ang pamumuhunang ito sa malaking tiwala ng mga negosyante sa administrasyong Marcos dahil sa paglalatag ng mga reporma upang maabot ang pagiging upper-middle income ng bansa.
Panibago rin aniyang positibong resulta ito ng Strategic Partnership na binuo ng Pilipinas at Australia sa aspeto ng pamumuhunan at pagkakabit-bisig upang tugunan ang mga hamon ng Climate Change.
Kaya naman tugmang-tugma ang katangian ng plantang ito sa magkasamang hangarin at itinataguyod ng dalawang bansa sa nabanggit na mga aspeto.
Sa panimula ng operasyon ng battery manufacturing plant, mayroong inisyal na kapasidad na 300 megawatt-hours na kayang gumawa ng mga baterya para sa anim na libong electric vehicles kada taon.
Target na maging full-operational ang nasabing planta sa taong 2030 na magbubuhos ng P5 bilyong taunang kita sa lokal na ekonomiya.
Tinatayang magiging 2 gigawatt-hours na ang kapasidad ng planta sa taong iyon na kayang makagawa ng nasa 18 libong baterya para sa electric vehicles sa bawat taon.
Ibinalita rin ni StB GIGA Factory Inc. Chief Executive Officer Dennis Chan Ibarra na kapag naging 100 porsyento na ang operasyon ng planta, plano ng kumpanya na makapag-export ng 70 porsyento ng factory output sa Australia, mga bansa sa South East Asia at North America.
Ang 30 porsyento ay isusuplay sa pangangailangan ng lokal na merkado sa Pilipinas.
Aabot naman sa 2,500 na iba’t ibang uri ng trabaho ang malilikha kung saan 500 dito ay ekslusibo para sa mga Pilipinong manggagawa sa larangan ng engineering, technical, finance at administrative.
Kabilang sa mga nabiyaan ng trabaho si Evangeline Antigua, 26 taong gulang na taga Camp O’Donell sa Capas, Tarlac.
Aniya, malaking tulong sa kanyang pamilya na mapasok sa isang trabaho na may magandang pasahod at malapit sa kanyang tirahan. Dati siyang manggagawa sa isang semiconductor firm sa Clark Freeport Zone sa Pampanga na ngayo’y operator na sa StB GIGA Factory Inc..
Kaugnay nito, ang naturang planta ay unang locator sa 120 ektaryang Filinvest Innovation Park na nasa loob ng NCC.
Isang flagship program ng pamahalaang nasyonal ang 9,450 ektaryang NCC na tinatanaw na magiging bagong metropolis na makakatulong na paluwagin ang Metro Manila at magsilbing bagong investment hub sa lalong pag-unlad ng Hilaga at Gitnang Luzon.
Samantala, ipinagmalaki ni Department of Trade and Industry Acting Secretary Cristina Roque na ang mabilis na pagkakalagak ng puhunan ng StB GIGA Factory Inc. ay resulta ng Executive Order No. 18 na inilabas ni Pangulong Marcos na lumilikha sa pagkakaroon ng Green Lanes for Strategic Investments.
Iba pa rito ang mga insentibo na ibibigay sa naturang pamumuhunan sa bisa ng Republic Act 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises na kilala bilang CREATE Law.