LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Isinusulong ng mga lokal na opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at mga bumibisitang Australian Parliamentarians na mapaigting pa ang pagiging Strategic Partners ng Republika ng Pilipinas at ng Commonwealth of Australia.
Ayon kay Bise Gobernador Alexis Castro, partikular na prayoridad ng Australian delegation ang pagtutulungan para sa lalong pag-unlad ng lalawigan sa larangan ng edukasyon, pagpapatupad sa Sustainable Development Goals o SDG, pamumuhay sa gitna ng Climate Change, housing policy at ang urban development at mga patakarang pang-industriya.
Gayundin ang mga oportunidad kung papaano matutulungan ang mga Bulakenyong street vendors, jeepney drivers, care workers, mga nasa political media at digital campaigning.
Interesado rin sila na maobserbahan ang pag-unlad ng Bulacan sa larangan ng artificial intelligence sa mga serbisyo ng pamahalaan, gender equality, Philippine Political History, national park at ang marine park conservation.
Ipinaliwanag ni Australian Political Exchange Council Representative Connor Costello na ang pagbisitang ito ng mga Australian Parliamentarians ay bahagi ng pagpapatupad sa people-to-people linkages na nakapaloob sa ika-23 at 25 puntos ng Philippines-Australia Joint Declaration on Strategic Partnership.
Pinagtibay ito sa nakaraang pagbisita sa bansa ni Australian Prime Minister Anthony Albanese bilang pagdiriwang ng Ika-78 Taong Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at Australia.
Sa edukasyon, binisita ng Australian Paliamentarians ang isang Child Development Center sa Barangay Santa Cruz sa bayan ng Guiguinto, Bulacan. Tumanggap ito kamakailan ng Gawad Edukampyon for Local Governance Award para sa municipal category dahil sa mahusay na pagpapatupad ng Early Childhood Care Development o ECCD programs.
Bukod dito, ipinabatid din sa mga Australian Parliamentarians na itinanghal din na kampyon ang mga programang ECCD ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na ipinapatupad ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Sinabi naman ni Guiguinto Mayor Agatha Paula Cruz na patunay ito na nakakatupad ang naturang bayan at ang lalawigan sa kabuuan, sa itinatadhana ng pang-apat na SDG tungkol sa pagtamo ng mataas na kalidad ng edukasyon.
Kabilang ito sa nagiging batayan ng Australian Agency for International Development o ang AusAID sa pagkakaloob ng mga ayuda o tulong sa isang bansa.
Para sa larangan ng industriya, isa sa mga iniaalok ng mga Bulakenyo sa mga Australian Parliamentarians ang mga Mangga nito. Ito’y matapos makapagluwas ng nasa 1,500 kilograms ng mga Manggang Kalabaw patungong Sydney at Perth sa Australia noong Setyembre 2023.
Isa ang prutas na Mangga sa nabigyan ng 90% na bawas sa taripa o buwis sa pagluluwas nito sa nasabing bansa sa ilalim ng Second Protocol ng Association of South East Asian Nations o ASEAN-Australia-New Zealand Free Trade Agreement (AANZFTA).
Kaugnay nito, bumaybay din ang mga Australian Parliamentarians sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX na pinalapad, pinahaba at nagging moderno simula taong 2002 sa tulong ng Australian firm na Leighton Asia Ltd. Corporation.
Samantala, pinangunahan ni Michael Pettersson, kasapi ng Legislative Assembly ng Australian Capital Territory ang pagbisita ng Australian delegation sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos, Bulacan. Layunin nito na mapag-aralan nila kung papaano naitatag ng mga Pilipino ang Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya.
Kasamang bumisita sina James Griffin na kasapi ng New South Wales Legislative Assembly, Paul Mills na advisor sa Office of the Premier of New South Wales at si Elysse Halliday na media advisor sa Office of Senator Jane Hume.