Tulak todas, 90 pa tiklo sa P2.3M droga sa Bulacan

PATAY ang isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos City Police Station sa Barangay Santor, Malolos City, Bulacan nitong Biyernes ng gabi.
TODAS ang suspek na si Sherwin Thompson, alias “Wiwin” matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Malolos Police sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Santor, Malolos City nitong Biyernes, July 22.
 
Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) Acting Director PCol Charlie Cabradilla ang napaslang na suspek na si Sherwin Thompson, alias “Wiwin”, 40, residente ng nasabing lugar habang ang dalawa nitong kasamahan na kinilalang sina Romeo Estable at Eric Uy ay kapwa naaresto. 
Batay sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-6:30 ng gabi nang ikasa ng nasabing operatiba sa pangunguna ni PLtCol. Ferdinand Germino ang drug entrapment operation.
Nakatunog umano si Thompson na pulis ang kanilang katransaksyon kaya agad itong kumalas at tumakas habang ang 2 nitong kasama ay naiwan at naaresto.
Habang papatakas ay bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga  operatiba at napilitang gumanti ng putok na ikinasawi nito. 
Nabatid na ang nasabing anti-illegal drug operation ay bahagi ng 3-day National Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Unit (SACLEO) ng Bulacan PNP kung saan 88 pang mga drug suspects ang nadakip at nasa mahigit 2.3M halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska.
Nasa kabuuang 272 sachet ng hinihinalang shabu, 23 sachet ng dried marijuana leaves na nagkakahalaga ng ₱2,379,828.80, mga baril, assorted drug paraphernalia at buy-bust money ang narekober sa naturang operasyon.
Nakilala ang ilan sa mga nadakip na suspek na sina Rolly Mendoza, 45; Oliver Lambino, 44; at Analiza Lambino, 48, pawang residente ng Gaya Gaya CSJDM; Richard Isidro, 38; Aldous Edrick Santiago, 25 at John Ervin Manahan, 33, kapwa naninirahan sa nasabi ring lungsod.