NANAWAGAN si Bocaue Vice Mayor Atty. Sherwin N. Tugna sa kanyang mga kapwa bise alkalde sa Bulacan na magtulungan upang sila ay maging mas epektibo at produktibo bilang Presiding Officer ng Sangguniang Bayan para sa kapakanan ng munisipyo at sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Ito ang kanyang panawagan sa ginanap na kauna-unahang pagpupulong ng Bulacan chapter ng Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) sa taong 2023 na ginanap sa function hall ng St. Martin of Tours Parish Church ng Bocaue noong Enero 27 na kung saan ang pamahalaang lokal ng Bocaue ang naging host.
Sa pangunguna ni Tugna, mainit na tinanggap ng first class municipality ang iba’t ibang bise alkalde ng Bulacan at ipinakita nito ang klase ng hospitality at good governance na umiiral sa nasabing bayan.
‘Isang malaking karangalan para sa dakilang bayan ng Bocaue na maging host ng kauna-unahang pagpupulong ng VMLP-Bulacan sa taong ito. Nawa’y ang mainit na pagtanggap ng mga Bocaueño sa ating kapwa Bulacan vice mayors ay magsisilbing inspirasyon para maging produktibo ang ating pagpupulong ngayong araw,” ayon kay Tugna.
Hinikayat ni Tugna, na siya ring public relations officer (PRO) ng VMLP Bulacan Chapter, ang kanyang mga kapwa bise alkalde na palakasin ang kanilang pagtutulungan at pakikipagugnayan sa isa’t isa upang isulong ang epektibong pamamahala, batas na nakatuon sa mga tao at pagpapa-unlad ng ekonomiya.
“Gaya kung papaano po magkakampi ang mga Bocaueño at patuloy na hindi lumilimot sa aming mga pinanggalingan upang makapunta sa mas maginhawang kinabukasan, ito rin po sana ay ating magawa sa antas ng VMLP,” aniya.
Ayon pa kay Tugna, dapat patuloy na magtulungan at magbahagi ng kaalaman at karanasan ang bawat isa upang sabay-sabay na mapaunlad ang kanilang mga bayan, lungsod at lalawigan ng Bulacan.
Naging matagumpay at puno ng pag-asa ang pulong ng VMLP Bulacan chapter sa suporta ng mga in-laws ni Tugna na sina Bocaue Mayor Jon Jon Villanueva, Senator Joel Villanueva at CIBAC Party List Representative Bro. Eddie Villanueva.
Kabilang sa mga dumalo ay sina VMLP President Guiguinto Vice Mayor Banjo Estrella, Bustos Vice Mayor Martin Angeles (thru a representative), Angat Vice Mayor Arvin Agustin, Paombong Vice Mayor Emelita Yunson, Balagtas Vice Mayor Ariel C. Valderama, Pandi Vice Mayor Luisa Sebastian (thru a representative), Marilao Vice Mayor Bob Dela Cruz, Sta. Maria Vice Mayor Eboy Juan, Baliwag Vice Mayor Madette Quimpo, Pulilan Vice Mayor RJ Peralta, Meycauayan Vice MayorJojie Violago, Hagonoy Vice Mayor Charo Sy-Alvarado Mendoza, San Ildefonso Vice Mayor Rocky Sarmiento(thru a representative), Obando Vice Mayor Arvin Dela Cruz, Calumpit Vice Mayor Zacarias Candelaria, San Rafael Vice Mayor Lyn Veneracion, Malolos Vice Mayor Migs Tengco Bautista, Plaridel Vice Mayor Lorie Vinta, Bulakan Vice Mayor Atty. Aika Sanchez, San Miguel Vice Mayor Bong Alvarez and Doña Remedios Trinidad Vice Mayor Marita Flores.