Transport group sa Bulacan hindi nakiisa sa tigil-pasada

Transport group hindi nakiisa sa Jeepney strike Bulacan
Governor Daniel R. Fernando
Hindi nakiisa ang Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (BFJODA) at iba pang jeepney transport group sa lalawigan sa malawakang tigil-pasada sa buong bansa mula Marso6-12, 2023.
 
Dahil dito, ipinag-utos ni Gobernador Daniel R. Fernando sa Philippine National Police (PNP) sa Bulacan ang pagprotekta sa mga Bulakenyong tsuper at operator ng dyip matapos ang kanilang pahayag na hindi sila makikiisa sa tigil-pasada.
 
Nais ng gobernador na tiyaking ligtas ang kapakanan at paghahanap-buhay ng mga tsuper gayundin ang mga pasahero nito sa isinasagawang kilos-protesta ng kapwa nila mga driver at operator hinggil sa pagtutol sa modernisasyon ng mga pampasaherong jeepney.

“Noong Biyernes ay nagkaroon po tayo ng pag-uusap kasama si Provincial Director PCol. Relly B. Arnedo. Atin pong inatas ang pagbibigay prayoridad sa kaligtasan ng mga drayber na patuloy pa ring papasada para sa mga mananakay na Bulakenyo. Poposte po ang ating kapulisan sa ating kakalsadahan upang matiyak po ang kapayapaan sa buong lalawigan,” anang gobernador.

Sa inilabas niyang Memorandum GO-03052023-70, binigyan rin ni Fernando ng opsyon ang larangan ng edukasyon sa lalawigan na magsagawa ng klase online sa kahabaan ng tigil-pasada.

Samantala, magbibigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng libreng sakay sa mga ruta sa Lungsod ng Malolos patungong hangganan ng Calumpit-Apalit, at Lungsod ng Malolos patungong hangganan ng Lungsod ng Meycauayan-Valenzuela. Nanawagan rin ang gobernador sa mga punong bayan at lungsod na tumulong sa paghahatid ng mga pasahero sa kanilang mga nasasakupan.

Tuloy naman ang operasyon ng Pamahalaang Panlalawigan habang sinusubaybayan ang epekto ng paghinto ng mga biyahe ng dyip.

Ibinigay rin ni Fernando ang pagpapasya sa pagkakansela ng trabaho sa mga pribadong tanggapan sa kani-kanilang tagapamahala.