CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Nauwi sa masaklap na trahedya ang sanay masayang pagdiriwang ng “Libad Ilog” o fluvial parade sa pista ng Patron “Apu Iro” sa Apalit, Pampanga nang tatlo katao ang nagbuwis-buhay habang apat ang sugatan sa magkahiwalay na insidente Martes ng hapon.
Dalawa katao ang agad na nasawi habang apat ang sugatan sa unang trahedyang naganap sa mismong araw ng kapistahan sa Barangay Sulipan habang isinasagawa ang tradisyunal na fluvial parade sa Apalit River.
Isang oras ang nakalipas ay isang 5-anyos na batang lalaki naman ang nasawi rin nang malunod ito matapos tumaob ang sinasakyang bangka kasama ang kaniyang ama at kapatid at kapitbahay habang naglalayag sa kasagsagan ng pagdiriwang ng nasabing kapistahan.
Sa report ni Pampanga Police acting director Col. Alvin Ruby Consolacion, kinilala ang isa sa nasawi sa unang trahedya na si Nyote Ponsenes na nasa edad 40-anyos at residente ng Maynila at isang di pa nakikilalang lalaki na nasa edad 25-30-anyos.
Nakilala naman ang mga sugatang biktima na sina Maria Christina Javier-Torres, 58, may-asawa; Mia Franz Simbulan, 11-anyos; Dwayne Cortez, 11-anyos, pawang residente ng Barangay Sucad, Apalit at Elizabeth Figueras Javier, 41, tubong Matabungcay, Lian, Batangas.
Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang trahedya bandang alas-2 ng hapon habang ang mga biktima ay sakay ng motor-boat at kalahok sa isinasagawang tradisyunal na fluvial parade sa Apalit River.
Nabatid na habang naglalayag ang bangka ng mga biktima ay aksidenteng nasagasaan nito ang nakausling high-tension wire ng National Grid Corporation dahilan ng pagsabog ng makina ng bangka at pagkakuryente ng mga sakay nito.
Ang mga biktima ay agad na nasaklolohan at dinala sa Premier Hospital at ASCCOM Hospital. Dalawa sa mga ito ang binawian ng buhay habang ang apat ay nagtamo ng minor burn-injury.
Samantala, sa hiwalay na trahedya, isang 5-anyos na batang lalaki naman ang nalunod matapos tumaob ang sinasakyang bangka kasama ang buo nitong pamilya sa kasagsagan ng isinasagawang fluvial parade sa pagdiriwang ng pista ng “Apong Iru” sa Barangay Sulipan, Apalit, Pampanga nitong Martes din ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Aaron John Lopez, 5, residente ng España Dalayap, Macabebe, Pampanga.
Batay sa inisyal na report, kasama ng biktima ang kaniyang ama na si Alejandro Lopez, 27; kapatid na si Prince Aiki, 6-anyos, kapitbahay na sina Ian Sequiña, 17, at Marlon Mercado, 32-anyos lulan ng isang bangka.
Kuwento ng ama, naglalayag sila dakong alas-3:30 ng hapon nang mapansin nito na babangga umano ang kanilang bangka sa isa pang kasalubong na bangka kaya agad nitong kinabig ang manibela na naging sanhi ng bigla nitong pagtaob at paglubog.
Mabilis naman rumesponde ang mga taga-Apalit Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nakabantay sa ilog at nasagip ang mga sakay ng lumubog na bangka subalit wala nang buhay ang batang lalaki nang mai-ahon.
Ang taunang fluvial parade o “Libad Ilog” ay bahagi ng selebrasyon ng Ika-177 kapistahan sa nasabing bayan bilang paggalang at parangal sa kanilang Patron na si “Apu Iro”.
Napag-alaman na dalawang taon pinatigil ang nasabing tradisyon dahil sa pandemiya at sa taong ito ay umabot sa 2,000 bangka ang lumahok sa parada.
Apung Iru ay hango sa banal na imahe ni St. Peter, na dinadala sa shrine sa pamamagitan ng fluvial procession tuwing June 20-28 sa Apalit, Pampanga.
Ito ay isinasakay sa isang “pagoda” kasama ang mga deboto na nagdadasal at kumakanta ng religious songs habang nagbabasaan.