“Trabaho ang susugpo sa kahirapan” – Villanueva

HINIMOK ni Senador Joel Villanueva ang gobyerno na gumawa ng pangmatagalang solusyon sa paglikha ng trabaho upang masugpo ang kahirapan sa bansa.

SEN. JOEL VILLANUEVA

Ito ang pahayag ng senador matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 18.1 porsyento ang poverty incidence sa bansa noong 2021, na katumbas ng 19.99 milyong Pilipino na nagsasabing sila ay mahirap.

Samantala, ang unemployment rate noong 2021 ay  nasa 7.8 porsyento, o 3.71 milyon na Pilipinong walang trabaho.

“Dapat siguruhin ng gobyerno na merong oportunidad ang mga Pilipino na makakuha ng dekalidad na trabaho para makatakas mula sa kahirapan. Sustainable dapat ang mga trabahong ito na may sapat na kita para magpakain ng pamilya at magbigay ng basic needs. Kung mas matagal na walang trabaho ang ating mga kababayan, mas lalo silang maghihirap,” sabi ni Villanueva.

Kaya inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 129 o ang Trabaho Para sa Lahat ng Pilipino Act na magtatalaga ng National Employment Recovery Strategy (NERS) ng gobyerno at papalawigin ito para maging National Employment Action Plan (NEAP) upang tugunan ang kawalan ng trabaho sa bansa.

Paunang plano ng NERS na lumikha ng hanggang 2 milyong trabaho sa pagtatapos ng 2022, at ibinalita noong Mayo na nakagawa na ito umano ng 1 milyong trabaho sa dulo ng 2021 ayon sa noon ay Trade Secretary Ramon Lopez .

“Ituloy po natin ang short-term strategy na ito na matatapos ngayong taon. Kailangan natin ng sistematiko at pangmatagalang solusyon sa paglikha ng trabaho upang masugpo ang sistema ng matagalang kahirapan sa bansa,” sabi ni Villanueva.

“Pinapasigla nito ang pag-unlad sa bansa sa pamamagitan ng mga insentibo sa pamumuhunan na nakakawing sa paglikha ng disenteng trabaho, pagtugon sa unemployment at underemployment, gayundin ang pamamayagpag ng informal work arrangements,” paliwanag ng senador.

Isinusulong ng Senate Bill No. 129 ang “employability, competitiveness, wellness, and productivity of workers” sa pamamagitan ng skills development and enhancement programs, at sa pag-maximize ng mga oportunidad mula sa pagbubukas ng ekonomiya  ng mundo mula sa pandemya.

“Tutulungan din ng ating panukala ang ating mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng suporta at insentibo upang mapanatili ang mga trabaho nilang nililikha,” dagdag ng senador.

Sinabi rin ni Villanueva na posibleng maabot ng kasalukuyang administrasyon ang target nitong paliitin ang poverty incidence hanggang 9% matapos ang anim na taon hangga’t may dekalidad na trabaho na abot-kamay para sa mga Pilipino.

“Nasa tamang daan tayo sa pagsugpo ng kahirapan basta may trabaho tayong inilalaan para sa ating mga kababayan,” aniya.