TIWALA SI BBM KAY GADON!

Nakuha ni Lorenzo “Larry” Gadon ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,ng siya ay hiranging Presidential Adviser on Poverty Alleviation ng  huli. Batay sa nakuha nating impormasyon, Ginawa ng Punong Ehekutibo ang pag-uulit pagkatapos ng pormal na panunumpa kay Gadon sa pwesto, kamakailan.
 
Sa maikling pahayag sa ‘social media accounts,’ sinabi ni Marcos na ang paghirang kay Gadon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kanyang Administrasyon na wakasan ang kahirapan at kagutuman sa bansa.
 
“Natitiyak kong malaki ang maitutulong ng kanyang karanasan at kakayahan sa pagbibigay ng pangangailangan ng ating mga kababayan,” pahayag pa ni Pang. Marcos Jr.
 
Tsk! Tsk! Tsk! Sino ba si Larry Gadon? Ayon sa tala, si Lorenzo “Larry” Gacilo Gadon (ipinanganak noong Marso 1, 1958) ay isang Pilipinong pulitiko at dating abogado. Tumakbo siya para sa isang senatorial seat noong 2016, 2019 at 2022 election. Si Gadon ay nakilala sa kanyang pananalita at sa kanyang matigas na paninindigan laban sa mga pinaghihinalaang kalaban ng lipunan. At nitong huli batay sa balita ay nagkakaisang bumoto ang Korte Suprema (SC) na i-disbar ang anti-poverty czar na si Larry Gadon kasunod ng mga pananalita laban sa babaeng beteranong reporter.
 
Anuman ang kinalabasan sa hatol ng Korte Suprema, ang mahalaga ay pinagkatiwalaan siya ng Pangulong Marcos Jr., bilang tagapayo. Ito ay upang makatulong si Gadon sa isa sa pangunahing isyu ng bansa, at ito ay kung paano masusugpo ang kahirapan at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga taong kasalukuyang nabubuhay sa kahirapan.
 
Kailangan masilip ni Gadon, kung ano ang pangunahing suliranin ng mga Pilipinong nabubuhay sa kahirapan? Ang pinakamahihirap na populasyon ay nagtatrabaho sa agrikultura at nakatira sa mga lugar na madaling kapitan ng mga sakuna kumpara sa mas mayayamang populasyon. Kakulangan sa sapat na bilang ng may magandang trabaho, at kakulangan pa din sa edukasyon na humahantong sa hindi pagkakapantay-pantay ng kita.
 
Paano ba maiibsan ang kahirapan? Batay sa tala, dapat turuan ang mga bata. Ang edukasyon ay isa sa mga pinakamahusay na solusyon sa kahirapan. Tiyakin ang pangunahing pangangalaga sa kalusugan. Pagbutihin ang nutrisyon sa pagkabata. Suportahan ang mga programang pangkapaligiran. Pigilan ang pag-aasawa ng bata. Karagdagan at upang matugunan ang kahirapan, ilang mga interbensyon ang dapat gawin ng ating Gobyerno, tulad ng ‘conditional cash transfer, pagbibigay ng tulong mula sa ibang bansa, at entrepreneurship na posibleng magamit ng mga maralitang pinoy.

Noon pa man ay naririnig ko na si Gadon sa mga panayam sa radyo, at mismo sa ‘social media.’ Bigyan natin siya ng pagkakataong ipakita sa mamamayang Pilipino ang kanyang kakayahan na maging isang magaling na Tagapayo ng Pangulo, laban sa Kahirapan at gutom, na tinatamasa ng mas nakararaming dukha at abang mamamayang Pinoy. At sa palagay ko naman kinakitaan siya ng Pangulong Marcos Jr., ng kakaibang galing bilang isang lingkod-bayan. Hanggang sa muli! Mabuhay ang Pilipino!