LUNGSOD NG MALOLOS — Target ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA na mabigyan ng fiscal incentives ang ngayo’y nasa 3,015 nang mga tourism establishments sa Bulacan.
Sa ginanap na Bulacan Tourism Summit na inorganisa ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO, sinabi ni TIEZA Assistant Chief Operating Officer Karen Mae Sarinas-Baydo na ang ipagkakaloob na fiscal incentives ay sang-ayon sa umiiral na Republic Act 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law.
Kwalipikado rito ang nasa sektor ng tourist transport services, accommodation establishments, amusement parks, adventure at eco-tourism facilities, sports facilities, recreational facilities, theaters, at health and wellness facilities.
Pasok din ang mga nasa farm tourism; tourism training centers and institutes; retirement villages development; restoration, conservation and operation of historical shrines, landmarks at iba pang historical sites; at ang mga pasilidad para sa meetings, incentives, conventions at exhibitions.
Ipinaliwanag ni Baydo na kailangang magrehistro ang nasabing mga establisemento sa TIEZA upang mabigyan ng fiscal incentives sa ilalim ng CREATE Law.
Pangunahing pakikinabangan dito ang pagbaba ng corporate income tax mula 30 hanggang 20 porsyento para sa mga establisemento na kumikita ng halagang limang milyong piso pababa at may ari-arian na aabot sa halagang 100 milyong piso.
Ang mga establisemento naman na hindi aabot sa tatlong milyong piso ang kita ay papatawan lamang ng isang porsyento na value-added tax hanggang Hunyo 30, 2023.
Ayon kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, umangat ang bilang ng mga tourism establishments sa Bulacan mula sa 1,339 noong 2016 sa ngayo’y nasa 3,015 nitong taong 2022.
Pinakamarami rito ang 1,149 na mga restaurants, 720 na mga Salon at Spa, 518 na mga resorts at hotels, 378 na mga travel agencies at tour operators, 228 farm tourism sites at 22 na mga glamping at camping sites.
Dagdag pa ni Dela Cruz na maraming tourism establishments sa Bulacan ang posibleng makinabang sa fiscal incentives na inaalok ng TIEZA.
Base sa tala ng PHACTO, may 48 milyong piso ang tourism receipts ng Bulacan noong 2021 at 75.8 milyong piso nitong 2022.
Patunay aniya ito ng patuloy na pagbangon ng industriya ng turismo sa Bulacan kung saan nakapagtala ng 2.8 milyong tourist arrivals nitong 2022, 1.5 milyon noong 2021 at 1.4 milyon noong 2020 kung kailan tumama ang pandemya.
Target ng PHACTO na maibalik o mahigitan pa ang 4.3 milyon na tourist arrivals noong 2019.