Tess Mamac, pinatay at ibinaon sa sariling compound

Angeles City – Natuklasan na ng mga tauhan ng Angeles City Police at mga lokal na opisyal noong Martes ng hapon ang bangkay ng nawawalang negosyante na si Tess Mamac na naiulat na nawawala simula pa noong Pebrero 12, 2026.

Ayon kay PCol Joselito Villarosa Jr., hepe ng Angeles City Police Station, bandang alas-6:00 ng gabi noong Pebrero 16, 2026, nagsagawa ng masusing operasyon sa paghahalughog ang mga tauhan ng Police Station 4, kasama ang Angeles City Forensic Unit, at mga lokal na opisyal ng AC sa loob ng residential compound ni Tess Mamac.

Dito nadiskubre ng mga awtoridad ang isang lugar malapit sa isang septic tank sa tabi ng isang piggery farm sa loob ng compound ang pinagbaunan ng bangkay ni Mamac na nasa estado na ng pagkabulok.

Ang mga labi ay kinilala kalaunan ng kanyang mga anak bilang si Ginang “Tess” Mamac.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga labi ay natagpuang nakabaon nang may lalim na anim na talampakan malapit sa tinutuluyan ng isang nagngangalang “Dok Manuel” sa loob ng compound na pagmamay-ari ng biktima.

Naroon din sa isinagawang search operation sina Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II, CD Col. Villarosa at mga tauhan mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), pati na rin si Barangay Captain PG Ponce at mga miyembro ng pamilya ng biktima.

Ang bangkay ay dinala na sa Pangilinan Funeral Services para sa tamang disposisyon at isasailalim sa autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.

Si Mamac ay asawa ng dating kapitan ng barangay ng Balibago na si Tony Mamac.

Samantala, inatasan ni Mayor Lazatin ang Angeles City Police Office na paigtingin ang hot pursuit operations nito laban sa isang person of interest na kilala sa alyas na “Dok Manuel”.

Aktibo ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng mga follow-up na imbestigasyon at koordinasyon upang matiyak ang agarang pag-aresto sa suspek.

Tinitiyak ng Angeles City Police sa publiko ang kanilang matibay na pangako na itaguyod ang hustisya at papanagutin ang mga responsable sa insidenteng ito.

Nauna nang nag-alok si Pampanga 1st District Representative Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. ng P200,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon  upang malaman ang kinaroroonan ni Mamac.

Nabatid na si “Doc Manuel” ang drayber ng pamilya sa loob ng halos 20 taon, samantalang itinuring siya ng pulisya bilang isang person of interest sa kaso na naiulat ding nawawala.