TESDAMAN, inendorso ng mga grupong Bangsamoro

SENATOR JOEL VILLANUEVA

INENDORSO ng mga haligi ng Bangsamoro Region, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang Central Committee ng Moro National Liberation Front (MNLF), ang reelection ni Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva.

Nagpahayag ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP), ang partido pulitikal ng MILF, ng suporta sa kandidatura ni Villanueva para sa isa pang termino sa Senado. Sinabi ng UBJP, na pinamumunuan ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod Balawag “Murad” Ebrahim, na napili nila ang senador base sa kanyang record at ambag sa Bangsamoro.

Sa isa ring pahayag, sinuportahan ng Central Committee (CC) ng MNLF at ang partido pulitikal nitong Bangsamoro Party (BaPa) ang reelection ni Villanueva, at sinabing “We need the steadfast Joel TESDAMAN Villanueva, an anchor of labor and educational policies, to be our partner for the development of the Bangsamoro Region”. Kasamang lumagda sa kanilang statement of support sina CC-MNLF Secretary General Utto Salem Cutan; OIC Vice President of BaPa for North Central Mindanao at CC-MNLF Vice Chairman for Internal Affairs Dale “Alexis” Malna; VP of BaPa for South Central Mindanao at CC-MNLF Vice Chair for Political Affairs at Chairman of the Committee on Labor and Employment of the Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament MP Romeo K. Sema; at VP of BaPa for South Western Mindanao (BASULTA), MNLF Vice Chairman for Foreign Affairs, and BTA Parliament Deputy Speaker MP Hatimil E. Hassan.

Nagpasalamat si Villanueva sa UBJP-MILF at BaPa-MNLF sa nagkakaisang suporta ng Bangsamoro para sa kandidatura ng senador.

“Isang malaking karangalan ang mabiyayaan ng suporta at tiwala ng Bangsamoro. Kaisa po ninyo ang inyong TESDAMAN sa pagsulong ng kaunlaran at kapayapaan para sa BARMM, higit lalo sa pagsasanay at pagbibigay kakayahan sa ating mga Bangsamoro youth and workers,” sabi ni Villanueva.

Matatandaan na naging aktibo ang partisipasyon ni Villanueva sa pagpasa ng Bangsamoro Organic Law, kung saan ipinaglaban ng senador ang religious freedom sa teritoryo ng Bangsamoro, at maprotektahan ito laban sa anumang panggugulo o karahasan dahil sa relihiyon.

Ang mga endorsement ng mga grupong Bangsamoro ang mga pinakahuling suportang natanggap ng senador para sa kanyang pangalawang termino. Kamakailan lamang ay inendorso si Villanueva ng mga grupong gaya ng League of Provinces in the Philippines, ang partidong United Nationalist Democratic Organization, Trade Union Congress of the Philippines, at religious groups na Iglesia ni Cristo at El Shaddai.

“Isa po itong katibayan na lalo pa pong lumalawak ang suporta para sa ating patuloy na paglilingkod sa Senado. Makakaasa po ang mga kapatid natin sa Bangsamoro na patuloy ang ating suporta sa pagpapaunlad ng kasanayan at edukasyon sa rehiyon, at paglikha ng trabaho sa BARMM, sa buong Mindanao, at sa buong bansa,” sabi ni Villanueva.  

Sinuportahan din ni Presidente Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Villanueva dahil sa aniya’y isang lider na matapat at may takot sa Diyos ang senador. Common candidate din si Villanueva ng mga kandidato pagka-pangulo na sina Vice President Leni Robredo, Sen. Ping Lacson at Sen. Manny Pacquiao, gayundin si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.