LUNGSOD NG CABANATUAN — Itinampok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Job Facilitation at Technical Vocational Education and Training (TVET) Mass Enrollment sa idinaos na World Café of Opportunities (WCO) sa Nueva Ecija.
Ito ang nagsilbing pangunahing kaganapan sa lalawigan kaugnay ng pagdiriwang ng National Technical Vocational Day at ika-29 anibersaryo ng TESDA.
Ayon kay TESDA Nueva Ecija Supervising Technical Education and Skills Development Specialist Raquel Baluyot, nasa 17 mga establisyimento at kumpanya ang lumahok sa Job Facilitation.
38 Technical Vocational Institutions naman ang nakiisa sa Mass Enrollment.
Umabot sa 300 job seekers ang dumalo sa aktibidad kung saan ang 35 dito ay hired-on-the-spot habang 1,185 ang enrolled-on-the-spot.
Ang mga aktibidad na ito ay sinundan ng Mass Training Induction Program na nagsilbing unang araw ng pagsasanay ng mga bagong iskolar ng TESDA.
Paliwanag ni TESDA Nueva Ecija Senior Technical Education and Skills Development Specialist April Liza Chua, ito ay oryentasyon sa mga iskolar upang kanilang maunawaan ang mga detalye ng scholarship program kabilang na ang benepisyo na kanilang makukuha dito.
Lubos naman ang pasasalamat ng ahensya sa kanilang mga naging katuwang sa pag-oorganisa ng mga aktibidad.
Kabilang na rito ang Department of Labor and Employment, Social Security System, Philippine Statistics Authority, Philippine Information Agency at Public Employment Service Office.
Gayundin, pinasalamatan ng ahensya ang mga naging katuwang na kumpanya at establisyimento, ang Nueva Ecija Association of Technical Vocational Institutions Inc., at ang SM Megacenter Cabanatuan para sa kanilang pakikiisa sa programa.
SOURCE: Maria Asumpta Estefanie C. Reyes PIA3