Bombang pinasabog ng mga terorista, sa isang mataong lugar, kung saan ilan ang namatay at marami ang nasugatan. Batay sa ulat, naganap ang pagsabog sa isang Katolikong Banal na Misa ng mga Katoliko, na karamihan ay dinaluhan ng mga estudyante, sa isang gymnasium sa Mindanao State University sa Marawi, Pilipinas, noong alas-7 ng umaga, Disyembre 3, 2023.
Ilang katao ang isinugod sa Amai Pakpak Medical Center para gamutin ang mga sugat at isa ang idineklara na dead on arrival. Nakalulungkot isipin, na tila ang mga hangal na Kampon ng kadiliman ay gaya-gaya sa naganap na paglusob ng mga Hamas militants, sa isang kasayahan sa bansang Israel, ilang buwan na ang nakalilipas.
Tsk! Tsk! Tsk! Bakit nangyari ang ganitong senaryo? Asan ang mga tagapagpatupad ng katiwasayan at kaayusan sa nasabing lugar, ng oras na iyun? Alalahanin natin na ang terorismo ay isa sa pinakamahalagang banta sa kapayapaan, seguridad at katatagan. Lalo pa at hindi pa ganap ang kapayapaan sa naturang Lungsod. Ang ating mga pulis at sundalo ay dapat na laging alerto sa mga ganitong pangyayari. Alalahanin na ang mga terorista ay bihasa sa pagsasamantala sa mga bansang may mahinang kakayahan sa kontra-terorismo, at maging ang mga bansang kasalukuyang hindi nakakaranas ng mga banta ng terorismo.
Kaya dapat lamang na isaisip lagi ng mga kinauukulan na maging sa kapatagan ay posibleng paghasikan ng kadiliman, tulad ng nangyari sa nasabing gymnasium sa Mindanao State University.
Naniniwala pa rin tayo na ang grupong ito ay maliit sa bilang at kadalasang walang malawak na suporta sa publiko. At dahil hindi nila magawang makamit ang kanilang ninanais na mga layunin, sa pamamagitan ng isang mapayapang prosesong pampulitika. Sila ay gumagamit ng dahas at ipinataw sa sadyang piniling mga target na hindi nakikipaglaban, upang i-bully at takutin ang sambayanan at pamahalaan. Kaya sa ating mga Alagad ng batas ay pag-igihin pa ninyo ang pagbabantay laban sa mga terorista, at proteksiyong inyong iginagawad sa inyong nasasakupan.
ISANG PASASALAMAT
Ang sarap kumustahin at makitang muli ang isang tao at kaibigan na hindi nakalilimot sa inyong pinagsamahan, kahit pa marami ng taon ang nakakaraan.
Ito ang aking napatunayan ng makatanggap ako ng isang inbitasyon mula Kay G. Vic Billones 111, isa sa batikan at iginagalang na kolumnista ng iba’t Ibang pahayagan sa bansa. Ang naturang imbitasyon ay para sa isang selebrasyon ng mga senior citizen sa kanilang lugar, na ginanap sa isang restaurant sa Sta. Maria, Bulacan.
Pinaunlakan naman natin ang imbitasyon na ito at bitbit natin ang ilang KATROPA ng Calamba, Laguna, na sina Eddie Dulay at Rey Ramos sa pagdalo sa nasabing selebrasyon. Doon ay sumalubong sa amin ang isang masaganang piging na samo’t saring mga putahe na talaga namang lahat ay nagsasarapan.
At paglipas pa ng maraming oras ng walang tigil na kainan ay nag-aya pa sa kanilang tahanan si G. Billones at ang mabait nitong maybahay na si Letty. at doon ay itinuloy ang kasayahan sa pamamagitan ng Videoke at mapayapang inuman.
Labis po ang aming pasasalamat sampu ng aking mga kasama sa inyong pagtanggap, at magpatuloy nawa sa marami pang taon ang inyong maayos na samahan ng mga senior citizen, at higit sa lahat ay sa punong abala, sa mag-asawang Letty at Vic Billones. Thank you!- Vic Ole, Brgy Canlubang, Calamba, Laguna.
Tsk! Tsk! Tsk! Salamat Katropang Vic Ole. Hanggang sa muli.