TATLONG SUSPEK SA KIDNAPPING, ARESTADO SA GUIGUINTO

Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Tatlong lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Guiguinto Municipal Police Station kaugnay ng kinasasangkutan ng mga ito na kaso ng kidnapping na naganap noong Oktubre 29, 2025, bandang 12:50 ng madaling-araw, sa Cagayan Valley Road, Brgy. Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan.
 
Ayon sa ulat ni PMAJ Ian Sanchez, Officer-in-Charge ng Guiguinto MPS, Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina alias JM, 40, architect; alias Chu, 40, construction worker; at alias Nel, 26, pawang mga residente ng Caloocan at Quezon City.
 
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-4:00 ng madaling-araw ay humingi ng tulong sa himpilan ng Guiguinto MPS ang ina ng biktima matapos umanong dukutin ang kanyang anak sakay ng kulay abong Toyota Fortuner.
 
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Guiguinto MPS at matagumpay na na-flag down ang naturang sasakyan malapit sa Sta. Rita de Casia Parish Church, na nagresulta sa pagkakaligtas ng biktima at pagkakaaresto ng tatlong suspek.
 
Ayon sa salaysay ng biktima ay regular na kustomer niya ang suspek sa kanyang computer shop pinasakay umano siya ng sa sasakyan nito at humihingi ng kanyang nasirang desktop computer na kamakailan lamang ay inayos, na kanila pang pinuntahan sa Gancho’s PC sa Bayan ng Baliuag, Bulacan. kalaunan, humingi umano ang suspek ng halagang Php 30,000.00 bilang danyos para sa kanya at para sa kanyang dalawang kasamahan.
 
Inutusan pa umano ng suspek ang biktima na tawagan ang kanyang mga kamag-anak upang magdala ng pera bago mag-alas-3:00 ng madaling araw, kung hindi ay hindi siya palalayain. Habang bumibiyahe, dumaan sila sa Tabang Exit patungong NLEX Meycauayan at kalaunan ay bumalik sa Brgy. Sta. Rita, sa nasabing bayan, kung saan sila nasabat ng mga rumespondeng pulis.
 
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guiguinto MPS ang mga suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong Kidnapping at iba pang kaukulang kaso.
 
Ayon kay PCol Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang mabilis na aksyon ng ating mga tauhan sa Guiguinto ay patunay ng kanilang kahandaan at determinasyong mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan. Hindi natin palalampasin ang sinumang lalabag sa batas, lalo na sa mga krimeng nagdudulot ng takot sa ating komunidad.”