LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sentro ng Ulat sa Lalawigan ni Gobernador Daniel R. Fernando, kasabay ng Pasinayang Sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, ang matatagumpay na hakbang ng Kapitolyo upang ganap na maibangon ang ekonomiya ng Bulacan sa gitna ng pandemya.
Una rito ang naitalang P38.5 bilyong karagdagang pamumuhunan na pumasok sa Bulacan mula sa kalagitnaan ng 2019 hanggang Disyembre 2021 na lumikha ng nasa sambung libong trabaho.
Iba pa rito ang matagumpay na pagdadaos ng mga face-to-face at virtual jobs fairs kada dalawang buwan na nagbukas ng mga oportunidad lalo na sa mga bagong graduates.
Naibalik na rin sa 100% ang mga operasyon ng mga tourism establishments sa Bulacan. Sa panahon na pansamantalang isinara ang nasabing mga establisemento, umabot sa P83 milyon ang halaga ng ayuda na naipagkaloob sa mga 16,756 na manggagawa na nasa industriya ng turismo.
Ayon pa kay Gobernador Fernando, ang pagpasok ng mga bagong pamumuhunan at muling pagbubukas ng turismo ay nagbigay-daan upang tumaas ang koleksiyon ng buwis.
Ito ang nagbunsod sa pagsampa sa P7 bilyon na lebel ang Provincial Budget ng Kapitolyo sa nakalipas na tatlong taon mula sa dating nasa P5 bilyon. Kaya’t nabigyan ng katiyakan na mapondohan ang mga proyekto at programa ng Kapitolyo kahit may pandemya.
Halimbawa na rito ang 102 na mga gusaling pampaaralan o katumbas ng 431 na mga silid-aralan, na naipagawa ng Kapitolyo mula 2019 hanggang kalagitnaan ng 2022 na nagkakahalaga ng P711 milyon.
Kalakip nito ang pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa may 25,479 na mga mag-aaral na umaabot sa halagang P143.5 milyon.
Mayroon ding 297 na mga proyektong pang-imprastraktura na kinapapalooban ng pagpapasemento ng mga kalsada sa mga barangay, rehabilitasyon ng mga provincial roads at upgrading ng mga drainage systems.
Isa sa mga malalaking provincial road rehabilitation projects ang Guiguinto-Bulakan Road at Balagtas-Pandi Road.
Nang tumama ang pandemya, naging flagship infrastructure project ng Kapitolyo ang Bulacan Molecular Diagnostic Laboratory na naipatayo sa loob lamang ng isang buwan noong Abril 2020.
Gayundin ang pagbubukas ng Bulacan Infectious Control Center (BICC) na nasa loob ng Bulacan Medical Center compound sa Malolos, na nagsilbing ekslusibong pasilidad para sa mga pasyenteng may severe COVID-19.
Ipinagmalaki pa ni Gobernador Fernando na isa ang Bulacan sa mga unang lalawigan na nakatamo ng heard immunity noong Abril 2022. Nakapagtala ng 2.2 milyong mga Bulakenyo mula sa 3.3 milyong populasyon nito ang fully vaccinated na.
Aabot sa 5.2 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang naiturok sa nasabing mga bakunadong Bulakenyo.
Sa tala ng Provincial Health Office (PHO), bagamat nasa 109, 530 na mga Bulakenyong tinamaan ng COVID-19 mula Marso 2020 hanggang Hunyo 2022, 107,786 sa kanila ang gumaling. Habang may 1,709 naman ang namatay.
Sa aspeto ng pagkalinga sa mga Bulakenyo sa kasagsagan ng mga mahihigpit na community quarantines noong 2020, nakapagpamahagi ng dalawang milyong food packs ang Kapitolyo. Ito ang pinakamalaking operasyon ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa alinmang kalamidad o krisis.
Iba pa rito ang sari-saring tulong pinansiyal at pangkabuhayan sa may 9,850 na pamilyang naging biktima ng iba’t ibang sakuna at kalamidad mula 2019 hanggang 2021.
Sa agrikultura, prayoridad ngayong taon na mabuksan ang bagong tayo na Farmers and Fisherfolks Training Center na nasa bakuran ng Kapitolyo sa Malolos.
Kakambal nito ang pagsasakatuparan sa pagtatayo ng isang Food Productivity and Multiplier Center sa bayan ng Donya Remedios Trinidad (DRT). Ito ang magsisilbing sariling pasilidad ng Kapitolyo para sa produksiyon ng pagkain na hindi na kailangang bumili pa sakaling kailanganin sa panahon ng krisis.
Kaugnay nito, ipinahayag ng gobernador na bukod sa mga tagumpay na natamo ng mga pangunahing sektor sa Bulacan, magsisilbi ring pundasyon sa lalo pang pag-unlad sa susunod na mga taon ang pagiging Top 8 sa provincial category ng Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) noong 2021.
Samantala, tiniyak naman ni Bise Gobernador Alexis Castro na una sa mga pagbabagong magaganap sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ay ang pagiging nasa tamang oras ang mga sesyon.
Hindi na rin aniya aabutin ng hating-gabi, madaling araw o uumagahin ang mga pagdinig ng sangguniang panlalawigan.