Taal Volcano sumabog

Taal Volcano 2022
Nagpamalas muli ng pagsabog ang Taal Volcano sa Batangas kung saan agad na isinailalim ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang bulkan nitong Sabado, Marso 26, 2022. Photo credit to MIKE ALQUINTO (Manila Times)
SANDALING sumabog ang TAAL Volcano nitong Sabado kung saan sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang malinaw na senyales ng isa pang malaking pagsabog na kasing-pinsala ng nangyari dalawang taon na ang nakakaraan.
 
Ayon kay Phivolcs Chief Renato Solidum Jr. sa isang virtual press briefing na hindi tulad noong Enero 2020 ” when the magma exploded strongly as it rose fast because the gas was not released,” na aniya ang magma sa pagsabog nitong Sabado ay unti-unting inilabas.
 
Nangangahulugan ito na hindi naipon ang gas sa ilalim ng ibabaw na maaaring magdulot ng mas malaking pagsabog, ani Solidum.
 
Ang “phreatomagmatic burst” ay tumagal ng mahigit isang oras o mula 7:33 a.m. hanggang 8:59 a.m..
 
Nabatid pa na ang parameter ay hindi nagpapahiwatig ng isang malaking pagsabog tulad ng kaganapan noong Enero 2020, ayon kay Solidium.
 
Sinabi pa ng kasalukuyang undersecretary ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, na kailangang mahigpit na subaybayan kung ang malalim na magma sa ilalim ng Taal [Bulkan] ay bababa at kung gaano ito kabilis tumaas.
 
Kasabay ng insidente, itinaas ng Phivolcs ang status ng bulkan sa Alert Level 3 matapos ang sunod-sunod na short phreatomagmatic bursts o pagtaas ng magma unrest at mataas na pag-usok na nasa 1.5 kilometro ang namataan sa main crater bandang alas-7:22 na sinamahan pa ng volcanic earthquakes.
 
Nananatili naman sa ngayon na mahinahon ang bulkan kahit nananatili pa rin ang Alert Level 3.
 
Bago ang naitalang pagsabog, ang Taal ay nasa ilalim ng Alert Level 2 mula noong Hulyo 23, 2021, itinaas sandali sa Alert Level 3 bago ito ibinaba, sabi ni Solidum.