Suspek sa pumaslang sa ABC President, “Get them alive”- Gov. Fernando

Nagbigay ng  bagong direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando sa kapulisan na hulihin ng buhay ang mga suspek na pumaslang kay Association of Barangay Captains (ABC) President Ramil Capistrano noong Oktubre nang nakaraang taon.
“I want them alive,” ito ang binigyan-diin ni Fernando sa kapulisan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa ginanap na 2025 Second Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Advisory Council (PADAC) at ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City noong Biyernes, June 13.

Nauna rito ay pinuri ni Fernando ang kapulisan sa maagang pagkaresolba sa kaso ng 2 pinaslang na police officer ng Bocaue Police Station  na sina PSSg Dennis Cudiamat at PSSg Gian Dela Cruz noong Marso 8, 2025 kung saan ang pangunahing suspek ay napatay sa isang engkuwentro habang ini-implement ang serve of warrant of arrest sa Baggao, Cagayan noong June 4, 2025.
Ayon sa gobernador, nais niya na ma-solve na rin ang kaso ni Bokal Capistrano at sa kaniyang mensahe sa kapulisan ay kung maaari ay mahuli ito ng buhay.
“Get them alive, I want them alive, I want a song to be sung so we will know who is/are the masterminds,” ani Fernando.
Kinilala ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Capistrano na sina Ulysses Pascual, Cesar Gallardo Jr., at ang dalawa na nakilala lang sa kanilang mga alyas na “Lupin” at “Jeff”, pawang mga taga-Navotas.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong murder at may warrant of arrest nang inilabas si Judge Felizardo Montero Jr. ng Regional Trial Court Malolos City.
Sinabi ni Fernando na gusto nito na mahuli ng buhay ang mga suspek nang sa gayon ay malaman sa mga ito kung sino ang nag-hire sa kanila o ang mastermind sa naturang pamamaslang.
Magugunita na ilang beses na pinaputukan ng mga armadong kalalkihan ang sasakyan ng biktima noong gabi ng Oktubre 3, 2024 sa Barangay Ligas, City of Malolos na siya nitong ikinasawi at ng kaniyang driver na si Shedrick Suarez.
Sa nasabing pagpupulong ay kasamang dumalo sina Vice Governor Alexis Castro, mga panlalawigang ahensiya ng gobyerno kung saan bumuo rin ng kasundaluhan ang Pamahalaang Panlalawigan at sa panig ng  PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tiyakin ang makatotohanang ulat na nakikita at nararamdaman sa komunidad.
Iniutos ng gobernador na mas higpitan pa ang pagbabantay sa mga lansangan at rumesponde nang mabilis at tama sa oras na may mga sumbong kaugnay ng mga krimen.
Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro
Samantala, tinalakay din sa parte ni Vice Gov. Castro ang ilang mahahalagang usapin hindi lamang sa parte ng kapulisan kundi sa hanay din ng Department of Education (DepEd) kung saan kailangang bigyan pansin ang pangangalaga sa mga kabataang estudyante at mismo ng kanilang mga paaralan.
Isa na rito ang kakulangan ng tamang serbisyo para sa mga mag-aaral kung saan ang mga pasilidad sa paaralan ay walang sapat na supply ng tubig na pinaka-mahalaga aniya sa kalusugan lalo na ng mga mag-aaral.
Ibinida ito ni Castro kaugnay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan sa mga paaralan sa Bulacan kung saan mismo ang presidente ang nakasaksi na walang mga supply ng tubig ang mga pasilidad sa paaralan.
Kailangan aniyang maresolba agad ito kasabay ng pagsisimula ng pasukan noong June 16.
Sa pagtitipong ito, mas pinagtibay ang kooperasyon at koordinasyon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang mapanatili ang katahimikan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat Bulakenyo.
Pinagtutuunan din ng pansin ang pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran, laban sa iligal na droga, at pagtatapos ng lokal na armadong labanan sa lalawigan.