Strict compliance sa anti-overloaded truck scheme ipatutupad sa Bulacan

Nakatakdang magpulong ang Local Government Unit sa lalawigan ng Bulacan kasama ang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa napipintong mahigpit na pagpapatupad ng “anti-overloaded trucks” sa kahabaan ng Manila North Road o Mac Arthur Highway upang maiwasan ang agarang pagkasira ng mga national roads. Kuha ni ANTON LUIS CATINDIG
UPANG mabigyan solusyon ang lumalalang pagkasira ng kalsadahan sa national highway ng Manila North Road o ang Mac Arthur Highway ay mahigpit na pagpapatupad at pagsunod sa anti-overloading truck scheme sa lalawigan ng Bulacan ang unang pagtutuunan pansin ni Bulacan Fifth District Congressman-elect Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr ng Guiguinto, Bulacan.
 
Sa panayam kay Mayor Cruz, pangulo ng Bulacan Mayors League, sinabi nito na magsasagawa siya ng isang dialogue kung saan ipapatawag niya ang samahan ng mga hauler o truckers association partikular na yaong mga dumadaan sa Manila North Road kilala bilang dating Mac Arthur Highway upang talakayin at resolbahan ang dulot nitong problema sa pagkasira ng mga kalsadahan.
 
Nauna rito ay kinausap na ni Cruz si District Engineer Henry Alcantara ng Bulacan First Engineering Office at pinag-usapan nito ang mga isasagawang hakbangin kaugnay ng pagpapatupad ng anti-overloading scheme sa mga mapagsamantalang truckers sakaling magsimulang manungkulan bilang kongresista sa susunod na buwan ng Hulyo 2022.
 
Ipagbabawal na sa Manila North Road ang mga overloaded trucks alinsunod sa ipatutupad na anti-overloaded truck law sa Bulacan. Kuha ni: ERICK SILVERIO
 
Apektado ng ipapatupad na anti-overloading trucks ang mga bayan mula sa Bocaue, Guiguinto,  Balagtas patungong Malolos at Calumpit na sakop ng Manila North Road at bayan naman ng Plaridel at Baliwag sa gawing Cagayan Valley Road o ang dating Donya Remedios Trinidad Road.
 
Mga karagdagang weighing scales ang isa rin sa magiging proyekto para mas masiguro at matiyak na ang bawat dadaang malalaking truck ay nasa tamang timbang o capacity load. Ang bawat truck umano ay kinakailangang nasa bigat lamang na 30 metric tons.
 
Pahayag ni DE Alcantara, tinukoy nito ang mga overloaded trucks na dumadaan sa Manila North Road ang siyang perennial problem nila kaya naman umaapela sila sa local government unit na sana ay ma-assist ang DPWH sa pagpapatupad ng anti-overloading scheme.
 
Nabatid na bukod sa DPWH, kabilang din sa mga ahente ng gobyerno na ipatatawag ni Cruz ay ang LGUs at Land Transportation Office (LTO).
 
Inihalimbawa at pinuri din ni Alcantara ang matagumpay na strict implementation ng North Luzon Expressway Corporation sa pagbabawal sa mga overloaded trucks na pumasok at dumaan sa nasabing expressway.
 
“Why the NLEX can implement the anti-overloaded trucks and why the local government cannot? For our part hindi kami pwede mag-ticket wala naman po kami police power,” wika ni Alcantara.
 
Paliwanag ni Alcanatara hindi sub-standard ang kalidad ng ginagawa nilang kalsada katunayan aniya, “The department itself has increased the thickness ng kalsada namin started with 8 inches, 10 inches to 12 inches ngayon po 15 inches na kami, it treat to redesign accordance sa mga dumadaan pero hindi naman po pwede na magkapal pa tayo ng mas malaki hindi na po allowed and advisable under the standard design, the caused really here is the overloaded trucks”.
 
Sabi ni Alcantara na hindi magiging matino ang kalsadahan hanggat patuloy na dumaraan dito ang mga nasabing overloaded trucks.
 
Nabatid na mahigit sa 700 mga overloaded trucks ang dumadaan araw-araw sa Manila North Road kabilang na rito ang mga trak na naglalaman ng mga palay, bigas, poultry products at quarried gravel and sands. 
 
Kamakailan ay binatikos sa social media ang  mga sira-sirang kalsadahan sa Manila North Road na umanoy hindi binibigyan pansin ng mga kinauukulang ahensiya sa gobyerno kung saan ay sinasabing napakatagal nang ginagawa at hindi umano matapos-tapos.
 
Paliwanag ni Alcanatara, hindi sapat ang pondo ng national government upang tustusan ang mga naka-linyadang pagawain sa mga kalsadahan at umaasa lamang ang kaniyang tanggapan sa kung ano ang ire-release sa itaas na siya naman nilang pinagkakasya sa mga prayoridad na gawain gaya ng mga critical sections.
 
“They don’t know the real situation here, ang problema namin is the funds for national highways walang pagkukuhanan ang gobyerno, alam naman natin nagka-pandemic at iyon ang priority and we are dependent on what the national government will release to us. Hindi naman po Bulacan lang ang nangangailangan buong bansa po yan kaya yun ang dapat maunawan ng taumbayan,” ayon kay Alcantara.
 
Nilinaw din ni Alcantara na ang ongoing rehabilitation/ reconstruction/ upgrading ng Manila North Road balagtas-Bocaue Section ay nito lamang Abril 2022 sinimulan at nakatakdang matapos sa darating na Oktubre at hindi aniya totoo na 6 na taon na itong ginagawa.
 
Ito ay nakapaloob sa Special Road Fund- Motor Vehicle Users Charge na kung saan ay nito lamang buwan ng Marso ibinaba ng national government ang pondo na nasa mahigit P81M sa ilalim ng 

Department of Budget and Management (DBM) ng General Appropriation Act-For Later Release (GAA-FLR).
 
“Basta mayroon pondo automatic po yan gagawin natin agad, kaya naman hinihingi ko po ang inyong malalim na pang-unawa sa sitwasyon natin ngayon, konting tiis lang po malagpasan lang natin ang pandemiya siguradong maaayos ang ating kalsadahan,” panawagan ni Alcantara.