SSS Nagsagawa Ng Nationwide Registration Day

Target ng Social Security System (SSS) ang 400K bagong mga miyembro kung saan layunin nito ang magkaroon ng universal health coverage ang lahat ng Pilipino sa ginanap na nationwide SSS Registration Day sa City Mall sa Barangay Bunlo, Bocaue, Bulacan noong Lunes, July 15, 2024. 
Isinagawa ng Social Security System (SSS) ang Nationwide Registration Day sa City Mall sa Barangay Bunlo, Bocaue, Bulacan noong Lunes, July 15, 2024 kung saan inaasahang aabot sa 400,000 ang mga bagong aplikante para magpa-miyembro. Kuha ni: ELOISA SILVERIO
 
Sa panayam kay SSS Vice President for Luzon Central 2 Division, Gloria Corazon Andrada sinabi nito na inaasahang aabot sa 400,000 ang mga amplikanteng gustong maging SSS member kaugnay ng isinagawang Nationwide SSS Registration Day.
 
Nabatid na sinimulan ang aktibidad noong nakaraang buwan at nagtapos sa face-to-face Registration Day noong Lunes.
 
Ito umano ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga aplikanteng walang kapasidad na makapagpa-miyembro gamit ang online registration.
 
Ayon naman kay Bocaue SSS Manager Venice Alonzo, bukod sa proseso ng pagpapa-miyembro o issuance ng SSS member number ay nag-alok din ang ahensiya ng mga serbisyong inquiries & verification, ACOP (Annual Confirmation of Pensioner), issuance of forms, at member data change request.
 
Ang kahalagahan umano ng pagkakaroon o maging SSS member ay para sa social security protection ng mga ito.
 
Pinasalamatan ni Andrada at Alonzo ang mga staff nito at sa mga tumulong gaya ng Bocaue LGU at sa City Mall na nagpahiram ng venue.