BALIWAG, Bulacan – Tutulungan ng Social Security System (SSS)-Baliwag branch ang mga employers na hindi nakakapaghulog ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado, na makapagbayad sa pamamagitan ng mga mas pinadaling pamamaraan.
Sa ginanap na Run Against Contribution Evaders (RACE) sa mga bayan ng San Rafael, Baliwag at Pulilan, nasa anim na mga employers ang tinuruan kung paano makakapagbayad sa takdang panahon upang hindi masampahan ng kaso.
Sila ay pawang mga nasa sektor ng automotive services, land surveyor, oil franchisee at sa food and restaurant industry. Aabot sa P3.3 milyon ang hinahabol ng SSS-Baliwag mula sa nasabing mga employers.
Ayon kay Gloria Corazon Andrada, vice president for Luzon Central 2 ng SSS, ang RACE ay hindi lamang paghabol sa mga employers na may kulang o hindi nakakapagbayad ng kontribusyon.
Isa rin itong kampanya upang matutunan ng mga employers ang mga pamamaraan gaya ng Pandemic Relief and Restructuring Program (PRRP) 2 o ang Condonation of Penalties on SSS Contributions at ang PRRP 3 na Enhanced Installment Payment System.
Pinakamatagal sa kanila na may kulang sa hulog ay noon pang taong 2002, 2014 at 2017 na uubrang mabayaran pa sa pamamagitan ng PRRP 3.
Sa pamamaraang ito, ang mga employers ay may hanggang Nobyembre 22, 2022 upang makapagsumite ng aplikasyon sa SSS-Baliwag ng Application Installment Payment, Validated Contribution Form, mga kailangang suportang dokumento at ang unang 5% ng kabuuang kulang na hulog.
Ipinaliwanag naman ni Marites Dalope, branch manager ng SSS-Baliwag, kung ang kulang na hulog lamang ng isang employer ay noong taong 2020 kung kailan tumama ang pandemya, mas akma na magbayad sa pamamagitan ng PRRP 2 na hanggang sa Mayo 19, 2022.
Wala nang babayaran na penalty sa PRRP 2 kaya’t tanging ang principal na hulog at interes na lang ang dapat ibayad. Ang mga employers na natukoy na may delinquency o kulang sa paghuhulog ng kontribusyon ay binigyan ng written order ni Atty. Vic Byron Fernandez, Department Manager ng Luzon Central II ng SSS. Ibig sabihin, binibigyan sila ng 15 araw para makapagsimulang makapagbayad dahil kung hindi makakatupad, magsasampa na ng kaso ang SSS sa korte.
Aabot sa anim na taon na pagkakakulong ang parusa sa sinumang employers at maging mga opisyal ng kompanya na may kaugnayan sa hindi pagkakahulog ng distribusyon.
Kaugnay nito, binigyang diin pa ni Andrada na sa huli, ang karaniwang miyembro pa rin ng SSS ang makikinabang sa pagpapaigting na makolekta ang mga kontribusyon na hindi pa nagbabayad.
Lumabas din sa ginanap na RACE operations na may mga empleyadong hindi makautang sa SSS dahil sa kulang o walang hulog mula sa employers.
Kung magiging kumpleto at tuluy-tuloy ang hulog sa kontribusyon para sa mga empleyado, malaki ang oportunidad na makatamo ito ng mas malaking pakinabang para sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay.