Specialized Education & Technical Building ng Philippine Coast Guard, binuksan sa Bulacan

Pinasinayaan na ang bagong tayo na Specialized Education & Technical Building ng Philippine Coast Guard o PCG na matatagpuan sa PCG Field Training Center of Excellence sa Balagtas, Bulacan. Naitayo ito sa tulong ng pamahalaan ng United States. (Shane F. Velasco)

BALAGTAS, Bulacan –Pormal nang isinalin sa pamamahala ng Philippine Coast Guard o PCG ang bagong tayo na Specialized Education & Technical Building. Matatagpuan ito sa PCG Field Training Center of Excellence sa Balagtas, Bulacan na naipatayo sa tulong ng pamahalaan ng United States.

 

Mismong si United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang nagpasinaya sa dalawang palapag na gusali, na itinayo sa may 3,900 square meters na lupang pag-aari ng Department of Transportation o DOTr na dating pinagtatayuan ng mga towers ng National Transmission Commission o NTC.

 

Patotoo aniya ito na isang maaasahang kaalyado ng Pilipinas ang Amerika na may pinakamatandang Mutual Defense Treaty sa Asya. Isa ring major Non-NATO (North Atlantic Treaty Organization) Ally ng United States ang Pilipinas sa nakalipas na 20 taon.

 

Nagkakahalaga ang proyekto ng P250 milyon na kumpleto sa mga pasilidad gaya ng mga training facilities ng United States Coast Guard. Kinapapalooban ito ng mga classrooms, laboratories, equipment rooms, dining facilities, isang galley, mga tanggapan, isang technical library at mga workstations.

 

Binigyang diin pa ng ambassador na ang pagtatayo nitong Specialized Education & Technical Building ay bahagi lamang ng pangmatagalang pag-agapay sa Pilipinas, sa larangan ng Maritime Law Enforcement Assistance at pagpapairal ng bilateral defense guidelines ng dalawang bansa.  

 

Patuloy na makakatuwang ng PCG ang mga ahensiya ng Amerika na tumulong din para maisakatuparan ang mga pasilidad na ito. Kabilang diyan ang U.S. Department of Defense, U.S. Coast Guard, Bureau of International Narcotics and Law Enforcement Affairs, Joint United States Military Assistance Group o JUSMAG at ang U.S. Embassy to the Philippines.

 

Ayon kay Coast Guard Rare Admiral Charlie Rances, commander ng Coast Guard Fleet ng PCG, ito ay magiging pasilidad ng Fleet Education, Training and Doctrine Development Institute.

 

Dito sasanayin ang mga kadete ng PCG na magpapatakbo sa mga Multi-Role Response Vessels o MRRVs.

 

Kabilang dito ang 10 MRRVs na may habang 44 metro na mga Barko ng Republika ng Pilipinas o BRP Tubbataga, Malabrigo, Malapascua, Capones, Suluan, Sindangan, Cape San Agustin, Cabra, Bagacay at Cape Engano.

 

Mayroon ding pasilidad dito upang makapagsanay para sa operasyon ng mas malalaking MRRVs ng PCG gaya ng dalawang 97 metro na BRP Melchora Aquino at BRP Teresa Magbanua. Ang mga MRRVs na ito ay binili ng pamahalaan ng Pilipinas sa Japan.

 

Kaya’t sinabi ni Ambassador Carlson na ang proyektong ito ay isa ring patunay na aktibo at masigla ang trilateral relations ng United States, Japan at Pilipinas para itaguyod ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.

 

Ito’y dahil magkakaugnay ang mga programa ng nasabing mga bansa para sa isa’t isa. Halimbawa na rito ang pagbibigay ng Amerika ng mataas na kalidad ng pagsasanay para mga kadete ng PCG upang mapatakbo ang mga barkong gawa naman sa Japan.

 

Sinabi naman ni PCG Vice Admiral Ronnie Gil Gavan, deputy commandant for administration, makasaysayan ang pagpapasinaya sa Specialized Education & Technical Building dahil ito aniya ang kauna-unahang pasilidad ng PCG na may direktang pasilidad sa pagtuturo kung paano ang pagtitimon, paglalayag at pangangalaga sa mga barko.

 

Napapanahon aniya ito dahil kailangang sabayan ng pagpapabuti ng kasanayan ng mga kadete ng PCG, ang dumarami nitong bilang ng mga makabagong barko maging malaki man o maliit.

 

Plano ng PCG na bumili pa ng karagdagang 97 metro na mga MRRVs, high-speed boats, portable electric generator, pagkakaroon ng isang Satellite Data Communicatio System at makapagtayo ng himpilan sa Subic Bay.

 

Samantala, may US$7.5 milyon na karagdagang ilalaan ang Amerika para sa patuloy na pagpapabuti ng maritime law enforcement sa Pilipinas. Makakatulong ito sa pagpapaigting ng pagbabantay sa mga teritoryong pandagat ng bansa lalo na sa West Philippine Sea.

 

Nakalinya rin ang upgrading ng Vessel Traffic Management System ng PCG para mas matiyak ang kaligtasan ng lahat ng naglalayag sa mga dagat na nasa pagitan ng mahigit pitong libong isla ng Pilipinas.