Solar Power Program malaking tulong para sa gobyerno- TESDAMAN 

IMINUNGKAHI ni Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva na pag-aralan ng pamahalaan ang pag-install ng mga solar panel sa mga gusali nito at pampublikong paaralan. 

SENATOR JOEL “Tesdaman” VILLANUEVA

“Kung magkakaroon po ng solar power program ang gobyerno, makakatipid tayo ng bilyong-bilyong piso, makapagpa-aral tayo ng milyon-milyong estudyante, at makakalikha tayo ng libo-libong trabaho,” sabi ng senador. 

Ito ang panawagan ni Villanueva nang mapuna ng senador na tumaas ang gastos sa kuryente ng pamahalaan, na P40.06 bilyon noong 2019 mula sa P34.58 bilyon noong 2017. 

“Kung tutuusin po, ang P40 bilyon ay 21 beses na mas malaki kesa sa gastos ng pamahalaan sa Philippine Heart Center ngayong taon,” sabi ni Villanueva.  

Sinabi rin ng senador na dapat magising na ang gobyerno para maghanap ng mas mura at mas malinis na panggagalingan ng kuryente dahil sa P5.5 bilyong pagtaas sa gastos nito. 

Dagdag ni Villanueva na “there’s more sun in the Philippines”, base sa ulat ng Department of Energy na ang average solar radiation ay nasa 128-203 watts per square meter. Katumbas nito ang paglikha ng 4.5-5.5 kWh per square meter kada araw, paliwanag ng senador. 

Ayon kay Villanueva, mapoprotektahan din ng solar energy ang bansa mula sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, gaya ng idinulot ng paglusob ng Russia sa Ukraine. 

Kontribusyon na rin ng bansa sa pandaigdigang kampanya laban sa climate change ang paggamit ng solar energy, na locally abundant at isang clean energy source, sabi ng senador. 

Hinimok din ni Villanueva na mamuhunan ang gobyerno sa solar power mula sa pondong para sa mga proyektong pang-imprastraktura.