Skyway Stage 3 Extension sa itinatayong Airport sa Bulakan, sinimulan na

Skyway Stage 3 Extension sa itinatayong Airport sa Bulakan, sinimulan na
Isa-isa nang naitatayo ang mga poste ng Skyway Stage 3 Extension Project na pahahabain hanggang sa pinagtatayuan ng New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Nag-umpisa nang itayo ang mga unang poste para sa pahahabaing Skyway Stage 3 patungo sa ginagawang New Manila International Airport o NMIA sa baybayin ng Bulakan, Bulacan.

 

Ayon kay Department of Public Works and Highways Regional Director Roseller Tolentino, isang malaking hakbang at panimula ito para sa pagkakaroon ng maluwag at mabilis na daan patungo sa magiging paliparan.

 

Maikakabit din aniya ito sa iba’t iba pang pangunahing imprastraktura na itinayo at itinatayo para sa lalong pag-unlad ng Gitnang Luzon. 

 

Bukod dito, isang malaking kontribusyon ang Skyway Stage 3-NMIA Extension sa patuloy na modernisasyon ng sistema ng transportasyon at magbabangon sa industriya ng turismo ng bansa.

 

Sinimulan ng San Miguel Aerocity Inc., ang konsesyonaryo sa proyektong NMIA, ang konstruksyon ng Skyway Stage 3-NMIA Extension sa North Luzon Expressway na tatahak sa lungsod ng Valenzuela, Obando, Meycauayan hanggang sa bayan ng Bulakan.

 

Bahagi ang pagpapahaba ng nasabing elevated expressway sa mga obligasyon ng konsesyonaryo sang-ayon sa ipinagkaloob na prangkisa ng Kongreso noong 2020 sa bisa ng Republic Act 11506. 

 

Isa ang Skyway Stage 3-NMIA Extension sa may 22 mga nakalinyang bagong expressways at multi-modal transport network papunta at sa paligid ng NMIA.

 

Target matapos ito bago ang taong 2026 kung kailan tinatayang magsisimula ang operasyon ng NMIA