Apat na kandidato sa pagka-pangulo ng Republika ng Pilipinas ang magkakatunggali at ang mga ito ay sina Ferdinand Marcos Jr., Leny Robredo, Francisco Domagoso, at si Emmanuel Pacquiao. Kung mayroon pang ibang presidential aspirants ay hindi ko na babanggitin.
Kung ang survey ang pagbabasehan, nakaaangat si Bongbong Marcos kay Leny, pero hindi kumpiyansa ang kampo ni Leny sa naturang survey dahil hindi naman iyon ang kabuuan ng voting population ng Pilipinas. Patunay umano ang malaking bilang ng mga botanteng bumoto kay Leny noong 2016 national election at talunin sa vice presidential derby si Bongbong Marcos.
Ang kabiguan ni Bongbong sa nakaraang halalan ay hindi niya matanggap hanggang sa nagprotesta siya sa Comelec at nagkaroon ng ballot recounting sa mga lugar na sinabing zero vote ang ang batang Marcos. Pero nitong nakaraang taon ay dinismis ng Presidential Electoral Tribunal ang poll protest ni Bongbong dahil sa umanoy kabiguan nito na mapatunayan ang kanyang claim.
Sa kabila nito, naghain pa rin ng motion for reconsideration ang batang Marcos na humihiling na balewalain ng PET ang desisyon nito at bigyang daan ang kanyang mosyon na magsagawa ng panibagong preliminary conference ang tribuna para sa third cause of action na kung saan maghahain ito ng mga bagong ebidensiya kaya ipagpapatuloy niya umano ang kanyang laban.
Pero ngayon ay nahaharap sa panibagong laban si Bongbong ang tunggalian sa presidential race at ang pinakamahigpit niyang kalaban sa apat na contender sa pagka-pangulo ay si Leny Robredo. Matunog ang BBM-Sara tandem sa social media at may mga post pa ang kampo ng BBM-Sara sa mga isinagawa nilang motorcade na makikita roon ang makapal na crowd ng motor vehicles na lumahok sa motorcade.
Nagpapakita rin naman ng mga isinagawang motorcade ang kampo ni Leny at marami rin namang motor vehicles na lumahok sa mga nakaraang motorcade, kaya tiwala ang kanyang mga tagasuporta na hahakot ng maraming boto sa presidential election ang kanilang pambato mula sa Naga, Camarines Sur.
Alam ninyo, nakatutulong din naman iyang pagpo-post ng iba’t ibang events sa social media lalo na iyang political rally. Pero hindi iyan ang ultimong paraan para magwagi ang sinomang presidential aspirants. Ang pulso pa rin ng taumbayan ang siyang mananaig.
Pare-pareho namay mga tagasuporta ang bawat kandidato sa pagkapangulo. May kani-kaniya silang istratehiya at plataporma. May kani-kanya ring husay at galing kung sa larangan ng pamumuno ang pag-uusapan dahil kapwa naging mambabatas sa kongreso sina Bongbong at Leny.
Ako man ay isa ring botante at mayroon na akong napupusuan kung sino sa apat na presidentiables na aking binanggit ang aking iboboto sa darating na national and local elections at kung sino man siya ay ako lang ang nakaaalam at hindi ko na kailangang ibandera o iposte sa facebook ang aking kandidato sa pagpapangulo bagama’t may kalayaan ang bawat Pilipino na ihayag ang kanilang mga damdamin, opinyon at kuro-kuro kung sino ang kanilang ihahalal na kandidato sa pagkapangulo.
Malaya tayong makapamimili kung sino sa mga presidentiable ang ating ihahalal sa May 2022 election. Sinoman kina Bongbong, Leny, Isko at Manny ang inyong napupusuan, kayo ang magpapasya dahil sa araw ng eleksiyon, lahat tayo ay magkakapantay-pantay ng ating mga karapatan, mahirap man o mayaman.