Singkaban Festival ng Bulacan, mas patitingkarin ng Filipino Brand program ng DOT 

Tiniyak ni Department of Tourism Undersecretary Ferdinand Kokoy Jumapao na isasama sa mga prayoridad ng ahensiya ang Singkaban Festival ng Bulacan sa Filipino Brand of Service Program. Layunin nito na lalong mapatingkad, mapalaki at tunay na mararamdaman ang Filipino hospitality sa taung festival na tinaguriang ‘Mother of All Festivals’ sa lalawigan. (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Isasama sa mga prayoridad ng Department of Tourism o DOT ang taunang Singkaban Festival ng Bulacan, sa programang Filipino Brand of Service Program ng ahensiya upang lalong mapatingkad, mapalaki at tiyak na babalik-balikan ng mga turista.

Iyan ang tiniyak ni DOT Undersecretary Ferdinand Kokoy Jumapao nang pangunahan niya ang pagbubukas ng Singkaban Festival 2022 sa harapan ng Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos.

Aniya, isang magandang senyales ng pagbangon ng ekonomiya ang muling pagbabalik ng nasabing festival mula nang tumama ang pandemya noong 2020.

Kaya’t sa pamamagitan ng Filipino Brand of Service program, mas lalong maipapantay ang Singkaban Festival sa hanay ng mga pangunahing festivals sa Pilipinas.

Ang Filipino Brand of Service Program ay binuo ng DOT upang mabigyan ng kasanayan ang mga manggagawa, entrepreneur, mga may-ari ng mga panturistang establisemento at iba pang nasa sektor ng turismo na maiangat ang antas kung paano paglilingkuran ang mga turista.

Sa programang ito bibigyang diin na dapat maiparamdam sa bawat turista ang kilala sa mundo na Filipino Hospitality. Kabilang diyan ang pagbati sa pamamagitan ng pagsambit ng salitang ‘Mabuhay!’ na sasabayan ng paghawak sa kaliwang dibdib at pagyuko ng ulo.

Gayundin ang paghahain ng tradisyunal na mga pagkain at inumin sa isang partikular na lugar, pagtitinda ng matatas na kalidad ng mga produktong likha ng mga tagarito at ang serbisyong may pagkalinga.

Para kay Gobernador Daniel R. Fernando, napapanahon na maging ganap sa pagdadaos ng Singkaban Festival ang tatak ng pagiging isang Pilipino. Itinuturing na ‘Mother of All Festivals’ sa Bulacan ang Singkaban Festival na pinasimulan noong 1997 bilang Linggo ng Bulacan.

Kaugnay nito, binuksan ang Singkaban Festival 2022 sa pamamagitan ng muling pagparada ng mga karosa na nagtatampok sa iba’t ibang festivals at mga produktong kilala sa 21 mga bayan at tatlong lungsod sa Bulacan.

Kabilang dito ang Fiesta Republika ng Malolos, Halamanan Festival ng Guiguinto, Fertility Dance Festival ng Obando, Chicharon Festival at Piyesta ng La Purisima De Immaculada Concepcion ng Santa Maria, Angel Festival ng San Rafael, Alahasan ng Meycauayan, Sukang Sasa ng Paombong, Yamang Dagat at Labanan sa Bangkusay ng Hagonoy, Republika ng Kakarong de Sili ng Pandi, Kawayang Bocaue ng Bocaue at ang Meyto ng Calumpit.

Bukod sa pagtatanghal ng mayamang sining at kalinangan ng Bulacan, ang Singkaban ay isang kinayas na arkong kawayan na ipinangsasalubong sa mga pistahan sa lalawigan.

Ito rin ang arkong kawayan na ipinangsalubong sa mga delegado ng Kongreso ng Malolos sa pagbubukas ng kanilang sesyon sa simbahan ng Barasoain noong Setyembre 15, 1898. 

SOURCE: SHANE VELASCO (PIA3-Bulacan)