Singkaban Festival 2023 ng Bulacan, wagi bilang Most Outstanding Festival

LUNGSOD NG MALOLOS – Totoo sa taguri dito bilang “Mother of All Fiestas in Bulacan”, naiuwi ng Singkaban Festival 2023 ang parangal bilang Most Outstanding Festival (Province) award sa Tourism Recognition for Enterprises and Stakeholders (TRES) Awards ng Department of Tourism Region III na ginanap sa Hilltop, Quest Plus Conference Center, Clark, Pampanga kamakailan.

 

Ang taunang inaabanganang Singkaban Festival na kilala din bilang “Sining at Kalinangan ng Bulacan” ay arko o arkong kawayan na sumisimbulo sa diwa ng pagkakaisa at pagiging malikhain ng mga Pilipino. Gayundin, ang “singkaban” ay kinayas na arkong kawayan  na ginagamit bilang tradisyunal na palamuti ng mga Pilipino.

 

Nasungkit ng Singkaban Festival ang parangal matapos maipasa ang mga pamantayan kabilang ang Creativity and Innovation (30 pts), Cultural Significance (25 pts), Community Involvement (20 pts), Promotion and Marketing (15 pts), at Sustainability (10 pts).

 

Gayundin, hinirang ang Bulacan na second runner up para sa Most Creative Tourism Marketing Collateral for Print Material para sa Discover Fun in Bulacan Brochure kung saan nakalap nito ang mataas na puntos sa Creativity and Innovation (30 pts), Information Content and Clarity (25 pts), Relevance to Tourism Promotion (20 pts), at Design and Layout (25 pts).

 

Ang nasabing brochure na may titulong Discover Fun in Bulacan at may nakasulat sa harap na ‘Love The Philippines’, #BulacanBabalikBalikan’, ay naglalaman ng kumpletong paglalarawan ng mga maaaring makita sa Bulacan kabilang ang mga lokal na pasyalan, mga natatanging makasaysayang lugar, kapistahan, natural wonders, mga simbahan at dambana, direksyon gayundin ang mga detalye ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) at QR code upang makita ang listahan ng mga  akomodasyon, resort, restawran, agri-tourism farms, spa at wellness centers, travel agencies, event suppliers, accredited tour guides, at City/Municipal Tourism Officers.

 

Nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Gobernador Daniel R. Fernando at binati ang mga taong nasa likod nang pagkamit ng karagdagang pagkilala para sa Bulacan.

 

“Isa pong malaking karangalan para sa lalawigan na kilalaning pinakamahusay ang pagdiriwang natin ng Singkaban Festival dahil sa pamamagitan nito, higit nating naitatanghal ang makulay nating kultura at tradisyon na sisikapin nating mapanitiling buhay upang mamalas pa ng mga susunod na henerasyon,” ani Fernando.

 

Kinikilala ng DOT TRES Awards ang mga pangunahing gampanin ng pamahalaang lokal sa paghubog sa tourism landscape ng rehiyon.