Singkaban Festival 2022, umpisa na

SINGKABAN 2022 GUEST OF HONOR. Iginawad nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro ang plake ng pagpapahalaga kay Department of Tourism Undersecretary Ferdinand “Cocoy” Jumapao bilang kinatawan ni Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco na panauhing pandangal sa Singkaban Festival Grand Opening na isinagawa sa harap ng gusali ng Kapitolyo, Lungsod ng Malolos, Bulacan nitong Setyembre 8, 2022. Kasama rin sa larawan sina Guiguinto Mayor Agatha Paula A. Cruz, Santa Maria Mayor Bartolome D. Ramos, Paombong Mayor Maryanne P. Marcos at Hagonoy Mayor Flordeliza C. Manlapaz. (ERICK SILVERIO)
SINIMULAN na ng Provincial Government ng Bulacan ang pagdiriwang ng tinaguriang “mother of all fiestas” sa probinsiya, ang Singkaban Festival 2022 sa ginanap na opisyal napagbubukas nito sa harap ng kapitolyo nitong Huwebes, Setyembre 8, 2022.
 
Ito ang kauna-unahang face-to-face celebration ng pamahalaang panlalawigan makaraan ang 2 taong pandemiya kung saan ang bawat dumalo ay nag-enjoy sa  “Parada ng Karosa” bilang bahagi ng isang linggong selebrasyon.
 
Ayon kay Katrina Anne B. Balingit, head of Provincial Public Affairs Office, ang selebrasyon sa taong ito ay mas pinaganda, makulay at mas kinasabikan dahil sa mga nakalinyang mga kaganapan na kung saan dadaloy ang programa sa temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay”.
 
Pinangunahan nina Governor Daniel Frnando at Vice Governor Alexis Castro ang isinagawang Grand Opening kasama si Department of Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco na kinatawan ni Undersecretary Ferdinand “Cocoy” Jumapao bilang guest of honor.
 
Nanawagan si Gob. Fernando sa kanyang mga kapwa Bulakenyo na ipagpatuloy ang pamana ng Singkaban Festival sa pamamagitan ng pagsuporta sa isang linggong mga aktibidad na inilaan para ipagbunyi ang mayamang kultura at kalinangan ng Lalawigan ng Bulacan 
 
“Kapit-bisig tayo sa pagpapayabong ng pamanang ito na nananaig sa gitna ng anumang hamon at nagpapatuloy sa bawat yugto ng kasaysayan ng ating lalawigan,” wika ng gobernador. 
 
Ipinagmalaki ni Fernando na ang Bulacan bilang lalawigan ang siyang may pinakamaraming pambansang alagad ng sining sa halos lahat ng kategorya. 

 

“Ito ang ating lahi. Ito ang ating pamana. Tandaan po natin na ang Bulacan ay dakilang lalawigan na karapat-dapat sa ating matapat na pagmamahal,” sabi nito. 
 

Ibinahagi rin niya na kanyang ilulunsad ang Dulaang Filipino, isa sa kanyang mga prayoridad na proyekto bilang isang aktor sa telebisyon at teatro, na naglalayong tumuklas ng mga bagong artista at aktor.

“Hangad ko po na manatiling buhay ang tunay na diwa ng Singkaban, ang kalinangan at kabutihan ng isang tunay na Bulakenyo,” aniya.

Sa ginanap na pre-celebration ay pinangunahan naman ni Castro kasama sina Provincial Administrator Antonette Constantino, Guiguinto Mayor Agatha Paula Cruz at Pulilan Mayor Maritz Ochoa-Montejo ang reopening ng 2022 Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX) bilang bahagi ng aktibidad ng Singkaban Festival 2022.
 
Kasama rin ang asawa ng bise gobernador na si Sexbomb Sunshine Garcia ay pinangunahan ng mag-asawa ang “BUFFEX SKL -Sayaw Kanta Luto” cooking demo para sa pormal na pagbubukas ng  BUFFEX Coverage para sa Tiktok Contest na may temang “Tangkilikin ang BUFFEX”.