Simultaneous dredging operation isinagawa sa mga local river sa Malolos at Hagonoy 

(Mula kaliwa-kanan) Nagsagawa ng inspeksyon si Gobernador Daniel Fernando kasama sina First District Congressman Danilo Domingo, Bise Gob. Alex Castro at Provincial Engineering Office head Engr. Glenn Reyes (dulong kanan) sa walong mga lokal na kailugan o sapa sa Lungsod ng Malolos at sa bayan ng Hagonoy kung saan isinasagawa ang simultaneous dredging operation nitong Sabado, Setyembre 3, 2022. Makikita sa larawan ang gamit na bachoe dredger sa bahagi ng Malolos Marine Fishery School and Laboratory sa Barangay Balite, City of Malolos na siyang paunang hakbang at solusyon para maibsan ang suliranin sa pagbaha sa lalawigan. Kuha ni ERICK SILVERIO

NAGSAGAWA ng sabayang dredging operation ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office (PEO) sa mga ilog at creek sa Lungsod ng Malolos at bayan ng Hagonoy nitong Sabado, Agosto 3, 2022.
 
Sa kasagsagan ng pag-uulan ay personal na binisita ni Governor Daniel Fernando ang mga lokasyon ng dredging operation kasama sina Congressman Danny Domingo ng Unang Distrito at Vice Governor Alexis Castro at mga PEO personnel sa pangunguna ni Engr. Glenn Reyes.
 
Binisita rin nila Gob Daniel Fernando, Cng. Danny Domingo, Bise Gob. Alex Castro at Engr. Glenn Reyes ang Hagonoy River sa Barangay San Agustin. Kuha ni: ERICK SILVERIO
 
Unang tinungo ni Fernando ang creek sa tabi ng Malolos Marine Fishery School and Laboratory sa Barangay Balite, Malolos City at dito ay nadiskubre rin ang mabaho at polluted na ilog na dulot nga mga toxic waste na itinatapon mula sa mga dambuhalang establisyimento.
 
Kabilang sa mga ilog at sapa na sumailalim sa nasabing dredging project ay ang Apulid Creek sa Barangay Longos, City of Malolos; Sapang Bangkal sa San Isidro, Hagonoy; Hagonoy River sa Barangay San Agustin, mga creek sa Bulihan, Barihan, Santissima Trinidad, at Mojon na pawang sa City of Malolos.
 
Sabi ni Reyes, nasa kabuuang 35,000 cubic meters ang target na mahukay sa nasabing dredging operation.
 
Nabatid na ang dredging project ay suportado rin ni Cong. Domingo na nagpahiram ng dredging equipment bilang tugon na rin sa flooding solution program ng kongresista para sa Unang Distrito.
 
“Paglalagay talaga ng dike ang permanenteng solusyon sa pagbaha. Pero pansamantala, habang hindi pa ito nasisimulan, ito muna ang ating ginagawa para maibsan ang paghihirap ng mga tao,” ayon sa gobernador.
 
Ayon kay Engr. Reyes, pansamantala ay 8 mga backhoe dredgers ang nagagamit ng provincial government sa nasabing dredging operation ngunit nakatakdang bumili pa sila ng karagdagang mga dredging equipments.
 
Ayon naman kay Vice Gov. Castro, alinsunod sa derektiba ng gobernador ay patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno na makakatulong para maresolba ang suliranin sa baha kabilang na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
 
Ang bahagi ng Apulid Creek sa Barangay Longos
 
Panawagan nina Fernando at Castro sa mga Bulakenyo na maging parte sa programa ng gobyerno na ingatan ang kalikasan at huwag matapon ng basura sa mga kailugan.
 
“Itong lahat ng ginagawa natin ngayon ay mawawalan ng saysay kung patuloy pa rin po nating sisirain ang ating kapaligiran. Tayo po sa pamahalaan ay ginagawa ang lahat ng pamamaraan upang matulungan ang ating kababayan. Kayo naman pong ating mga kalalawigan, gawin rin po natin ang ating parte upang mapigil ang lubos na pagkasira ng ating kalikasan,” pagtatapos ni Fernando.