PORMAL na nanumpa sa tungkulin para sa kanyang pangalawang termino si Sen. Joel Villanueva sa tapat ng makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan nitong Lunes ng hapon (Hunyo 27, 2022).
Kabilang sa mga dumalo sa oath-taking event ay ang mga kamag-anak ng senador, mga lokal na opisyales ng Bulacan, at mga supporters ni Villanueva.
Ang nasabing panunumpa ay kaiba sa mga kaganapan tulad sa ibang mga nanunumpang opisyales lalo na sa mataas na posisyon dahil sa kaniyang kababata at kaibigan na si Kap. Robin del Rosario ng Brgy. Bunlo, Bocaue, Bulacan na siyang nag-administer ng panunumpa ang senador.
Sinabi ni Villanueva na ang pagpili kay Del Rosario para sa panunumpa ay pagkilala sa kapangyarihan ng ordinaryong Pilipino na magbigay-daan sa masayang pagbabago ng bayan.
Sa isang talumpati, binanggit ni Villanueva ng kahalagahan ng kanyang panunumpa sa tapat ng Simbahan ng Barasoain na lugar ng maraming makasaysayang kaganapan sa Pilipinas.
“Nakatala sa ating kasaysayan kung paanong nakamit ang kasarinlan ng buong bansa dahil sa pakikibaka ng mga bayaning Bulakenyo, at sa mahahalagang yugto ng kasaysayang naganap dito mismo sa loob ng Simbahan ng Barasoain. Kaya ang pagiging Bulakenyo ay mabigat na “pressure” o hamon sa pagganap natin sa ating mandato bilang Senador ng Republika ng Pilipinas,” sabi ni Villanueva.
Sinabi rin ng senador na lumalaban ngayon ang Pilipinas sa mga makabagong himagsikan laban sa kahirapan, kawalan ng trabaho, pandemya, at mga suliraning panlipunan gaya ng korapsyon at fake news.
Ayon kay Villanueva, isusulong niya sa kanyang pangalawang termino ang mga panukalang batas na magbibigay ng oportunidad sa trabaho, hanapbuhay, sweldo, at pagnenegosyo para sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga panukalang ito ay ang pagpapalawig ng unemployment insurance, institusyonalisasyon ng National Employment Plan, pagtatalaga ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers Program (TUPAD), wage subsidy para sa mga MSMEs, “living wage” bilang pamantayan ng sweldo, pagpasa ng Security of Tenure Act o pagtuldok sa “endo”, at pagpapalawig ng mga scholarship program.