PINANGUNAHAN ni Senador at Senate Majority Leader Emmanuel “Joel” J. Villanueva, kasama sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro, ang pagdiriwang ng Ika-444 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan sa isang simpleng programa na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium nitong Lunes, Agosto 15, 2022.
Nakaangkla sa temang “Katatagan ng mga Bulakenyo, Hiyas ng Nagkakaisang Pilipino, nagsimula ang programa sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng Bulakenyong bayani Gat Marcelo H. Del Pilar sa harapan ng gusali ng Kapitolyo at sinundan ito ng banal na misa sa loob ng gymnasium.
Parte ng programa ay inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang panandang pamana sa harapan ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center na idineklarang mahalagang yamang pangkalinangan sa bisa ng Kapasiyahan Blg. 019-T’2022 kaugnay ng Ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
“Ang araw na ito ay sinasalamin natin na “ang di lumingon sa pinanggalingan ay di makakarating sa paroroonan”. Ang pagdiriwang ng araw na ito ay pagpapatingkad ng diwang Bulakenyo sa gitna ng patuloy na modernisasyon ng ating lipunan, bigyan-diin natin ang kontribusyon ng Bulacan sa kasaysayan, at pagtulungan natin i-angat at palawakin ang papel ng Bulacan sa nation-building,” ayon kay Sen. Villanueva.
Panawagan naman ni Fernando sa mga Bulakenyo na ipagdiwang ang anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan sa pamamagitan ng paglingon sa mayaman nitong kultura at kasaysayan.
“Apat na daan at apatnapu’t apat na taon na ang nakakaraan, itinatag ang ating dakilang lalawigan. Simula noong araw na iyon, patuloy pa ring dinadala ng mga Bulakenyo ang pangalan ng ating minamahal na bayan sa rurok ng tagumpay. Marapat lamang na ipagbunyi natin ang mahalagang araw na ito sa ating kasaysayan,” anang gobernador.
Para kay Bise Gob. Alexis Castro, sinabi nito na ang tanging naiwan at pinamana ng mga ninunong Bulakenyo ay mga bakas ng kasaysayan ng mga binhing ipinunla ng mga nauna gaya ng mga magagandang kaugalian, kasipagan, katapatan at katapangan na harapin ang ano mang hamon sa buhay bilang isang Bulakenyo.
“Tayo ay naririto ngayon patunay ng isang katatagan ng ating dakilang lahi na ipinunla noon at ngayon ay hitik sa bunga ng pag-asa at kaunlaran,” wika ni Castro.
Samantala, idineklara naman ang petsang Agosto 15, 2022 bilang isang special non-working day sa buong lalawigan sa bisa ng Proclamation No. 19 na pinirmahan ni Executive Secretary Victor D. Rodriguez at Seksyon 14 ng Panlalawigang Kautusan Blg. C-004 o ang “An Ordinance Enacting the New Provincial Administrative Code of Bulacan”.
Ayon kay Katrina Anne Bernanrdo, head ng Provincial Public Affairs Office (PPAO), ang Bulacan Foundation Day ay hudyat ng pagsisimula ng isang buwang pagdiriwang ng “Mother of All Fiestas” ng lalawigan, ang Singkaban Festival.