Malaki ang posibilidad na tumaas ang bilang ng mga illegal dumpsites at kasunod nito ang matinding pagbaha sa Central at Northern Luzon kaugnay ng napipintong pagsasara ng Kalangitan Landfill sa Capas, Tarlac.
Ito ang pangamba ni Senador Raffy Tulfo na ang mga local government units (LGUs) sa Central at Northern Luzon ay babalik sa paggamit ng mga iligal na dumpsite at pagtatapon ng basura sa mga kailugan na magdudulot ng matindi pang pagbaha kung isasara ang Kalangitan Landfill.
Sa kanyang privilege speech noong Martes, sinabi ni Senador Raffy Tulfo ang napipintong pagsasara ng nag-iisang engineered sanitary landfill–na nagsisilbi sa dalawang rehiyon ng Central at Northern Luzon na may makapal na populasyon na binubuo ng mahigit 150 local government units at lokal, at mga industriya kabilang ang mga pribadong ospital sa loob ng 25 taon ay magdulot ng napakalaking problema sa kapaligiran at kalusugan sa dalawang nabanggit na rehiyon.
Nabatid na karamihan sa mga ospital sa Metro Manila ay nagpapadala rin ng kanilang mga basura sa ospital sa Kalangitan Landfill para itapon.
Ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Clark Development Corporation ay nakahanda nang isara ang operasyon ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC), ang operator ng 100-ektaryang Kalangitan Landfill sa Capas, Tarlac sanhi ng expiration ng service contract nito sa susunod na buwan.
“Kapag aalisin po natin ang Kalangitan Landfill – the necessary effect would be that these Local Government Units served by the Landfill– would revert to dumping into our waterways and other illegal dumpsites which run the risk of not only poisoning our water supply,” sabi ni Tulfo.
Binanggit ni Tulfo ang plano ng BCDA at CDC na isara ang operasyon ng Kalangitan Landflll sa Oktubre 6 sa gitna ng sigaw ng mga LGU na pinaglilingkuran nito na muling isaalang-alang dahil magdudulot ito ng “mga problema sa kapaligiran.”
“Mula noon at hangang ngayon, basura pa rin ang ating mga problema mula sa mililiit na mga munisipyo hanggang sa pinakamalalaking siyudad,” ayon sa senador na siya ring chair ng Senate Committee on Public Services.
Aniya, inaprubahan ng DENR ang pagsasara ng Kalangitan Landfill “salungat sa kanilang polisiya na nakasaad sa batas. “Ito ay isang isyu na hindi natin kayang iwan nang hindi natugunan,” sabi ni Sen. Tulfo.
Nanawagan ang senador sa BCDA at DENR “na ipaliwanag ang kanilang mga aksyon at patunayan sa amin – o sa halip, patunayan sa publiko – na hindi ito hahantong sa isa pang kalamidad na naghihintay na mangyari.”
Dagdag pa niya, kung ang plano ng BCDA at CDC na isara ang Capas waste facility ay magdudulot ng pagkasira ng kapaligiran, hinimok niya ang parehong ahensya ng gobyerno na bawiin ang kanilang utos sa pagpapatigil sa operasyon ng MCWMC.
“Kung ito ay sinarado, panigurado ba tayo na kakayanin ng mga natitirang landfill ang dami ng basura na ikakarga rito? At magagawa ba nila ito sa paraang sumusunod pa rin sa ating Solid Waste Management Act o RA9003?,” tanong ni Sen. Tulfo.
Kaagad pagkatapos ng kanyang privilege speech, pinagkaisang inaprubahan ng Senado ang referral nito sa Senate’s Committee on Environment Natural Resources and Climate Change para sa karagdagang aksyon.
“Nananawagan ako sa mga ahensiyang ito na bawiin na agad ang kanilang panukalang aksyon, alang-alang na lamang sa mga kababayan nating maaaring biktima na naman ng kalamidad.”