LUNGSOD NG MALOLOS- Nagsalita si Kalihim Amenah F. Pangandaman ng Department of Budget and Management sa mga lokal na budget officer bilang panauhing pandangal sa Budget Forum ng Association of Local Budget Officers (ALBO) sa Rehiyon 3 na ginanap sa Bulacan State University e-Library Amphitheater sa lungsod na ito ngayong umaga.
Sinalubong ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kalihim ng badyet kasama ang ALBO III at mga lokal na pinunong ehekutibo sa lalawigan.
Ayon kay Fernando, sinisiguro ng maayos na pagba-badyet na ang mga desisyon na isinagawa sa kasalukuyan ay magsisilbi sa mga tao sa ngayon ngunit hindi magiging pasanin ng mga susunod na henerasyon.
“Delivering on our commitment of good public service begins with our dedication to sound financial management. Governance begins with well-prepared budgets that meet the needs and challenges of governance. Hindi lamang po ito year after year, but generation to generation,” anang gobernador.
Matapos ang forum, tutuloy ang mga miyembro ng ALBO III sa Greenery Resort sa Lungsod ng Baliwag para sa kanilang tatlong araw na Skills Enhancement Training bilang paghahanda para sa Budget Cycle sa 2024 kabilang ang Budget Preparation, Authorization, Review, Execution, at Accountability; at mga update sa Annual Investment Plan, Annual Procurement Plan, at paghahanda sa Project Procurement Management Plan ng mga lokal na pamahalaan.