Sariling convention center, hotel ng San Jose Del Monte bukas na

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE  — Pareho nang bukas ang bagong tayong convention center at hotel na pag-aari ng pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte.

 

Matatagpuan sila sa pitong ektaryang Productivity Center sa barangay Sapang Palay. 

 

Ayon kay Mayor Arthur Robes, kayang maglulan ng hanggang 1,300 katao ang main ballroom ng convention center.

 

Mayroon din itong dalawang malaking function room at apat na conference room.

 

Makakapagdagdag sa pondo ng pamahalaang lungsod ang masisingil na renta mula rito, 

 

Magiging malaking tulong din aniya ito upang magkaroon ng mainam, maaliwalas at malinis na pagdadausan ng mga pagtitipon gaya ng pagdiriwang, pagsasanay at iba pang gawaing pangsibiko.

 

Mula 2017 hanggang 2021, nasa 400 milyong piso ang inilaan ng Department of Public Works and Highways sa pamamagitan ng multi-year program para sa nasabing convention center.

 

Ito na ang pang-apat na ganitong uri ng pampublikong pasilidad na pag-aari ng isang pamahalaang lokal. 

 

Ang una ay ang Hiyas ng Bulacan Convention Center ng pamahalaang panlalawigan, pangalawa ang Malolos Sports and Convention Center at pangatlo ang City of Meycauayan Convention Center.

 

Sa tapat ng City of San Jose Del Monte Convention Center itinayo naman ang dalawang palapag na Rising City Hotel na may 14 na kwarto.

 

Target ng pamahalaang lungsod na pormal na iparehistro sa Department of Tourism ang mga ito bilang ganap na maging Meetings, Incentives, Conventions and Exhibitions o MICE Facilities.