Santa Maria-Bocaue Bypass Road, nakumpleto na

Bukas na sa trapiko ang buong apat na linya ng Santa Maria section ng Santa Maria-Bocaue Bypass Road matapos makumpleto ang konstruksyon nito. (Shane F. Velasco/PIA 3)

SANTA MARIA, Bulacan — Bukas na sa trapiko ang buong apat na linya ng Santa Maria section ng Santa Maria-Bocaue Bypass Road matapos makumpleto ang konstruksyon nito.

 

Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Regional Director Roseller Tolentino, ito ang bagong kalsada na pwedeng daanan mula Manila North Road sa barangay Bunlo sa Bocaue papuntang San Gabriel sa Santa Maria.

 

Magsisilbing alternatibo at mabilis na daan ito sa pagitan ng Bocaue at Santa Maria na hindi na kailangang dumaan sa Governor Fortunato Halili Avenue, na may madalas na masikip na daloy ng trapiko.

 

May habang 1.93 kilometro ang Santa Maria section mula barangay San Gabriel hanggang sa rampa ng Ciudad de Victoria interchange na palabas sa North Luzon Expressway.

 

Bahagi ng proyekto ang pagtatayo ng San Gabriel Bridge at ang kalsadang bumabaybay sa gilid ng Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone hanggang umabot sa eastbound ng naturang interchange.

 

Mula naman sa westbound ng Ciudad de Victoria interchange, binuksan na rin kamakailan ang karugtong nitong Bocaue section ng Santa Maria-Bocaue Bypass Road hanggang sa Manila North Road.

 

Dumadaan ito sa harapan ng munisipyo ng Bocaue at sa magiging Bocaue station ng North-South Commuter Railway Project Phase 1.

 

Bahagi ito ng inilaang 635 milyong piso ng DPWH mula noong 2019 para sa mga bagong road network na mag-uugnay sa Bocaue at Santa Maria. 

 

Inaasahan na sa pagbubukas ng kabuuan ng Santa Maria-Bocaue Bypass Road, ang dating nauubos na mahigit isang oras sa matinding sikip na daloy ng trapiko sa Governor Fortunato Halili Avenue ay magiging 15 minuto na lamang.