INIIMBISTIGAHAN na ang mga sangkot sa paglagda sa planong pag-angkat ng nasa 300,000 metric tons ng asukal.
Kabilang sa mga nasa ‘hot seat’ ay sina Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo R. Serafica at Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian na di umano’y pumirma sa Resolution No. 4 na nai-upload sa website ng SRA na may kinalaman sa gagawing pag-angkat ng pamahalaan ng asukal.
“They are under investigation. There is no preventive suspension issued as of right now,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing sa Malakanyang.
“Alam nila ilegal, hindi naman baguhan sa SRA, syempre, hindi naman yung magiging dahilan para automatic alis ka dyan kasi naging iresponsable. Ang status nila, lahat po ng pumirma ay under investigation. Hintayin po natin today if a determination can be made na ma-issuehan sila ng preventive suspension order habang tumutuloy ang imbestigasyon. Pero kung mabilis lang ang imbestigasyon, makakakita tayo ng mga replacements very soon,” ayon kay Cruz-Angeles.
Ayon kay Cruz-Angeles, bibigyan sila ng pagkakataon ng Presidente na maipaliwanag ang kanilang panig kung bakit nagkagayun at kung hindi makukumbinsi ang Pangulo sa kanilang paliwanag ay posible silang patawan ng appropriate penalties.
Sinabi pa rin ni Cruz-Angeles na ang resolusyon ay “signed for by the President” ni Usec Sebastian na aniya’y hindi otorisadong lumagda lalo pa’t hindi naman inotorisa ng Pangulo ang importasyon.
Aniya pa, mula sa pagsisiyasat ay madedetermina kung ilan ang maaaring masibak.
Binigyang diin nito na si Pangulong Marcos Jr. na siyang chairman ng SRA ang may kapangyarihan para magtakda ng anomang meeting at agenda habang wala ring resolusyon na inotorisa ang Presidente.
“You don’t convene the Sugar Regulatory Board in the absence of the president and in the absence of any such approval on his part. He didn’t approve the convening. you can only convene the board with the assent explicit assent of the president and he didn’t make such an agreement,” aniya pa rin.
Nauna rito, ibinasura ni Pangulong Marcos Jr. ang panukalang mag-angkat ng karagdagang 300,000 metriko tonelada ng asukal ng Pilipinas.
Nauna nang nagpahayag ang SRA ng posibilidad na magkulang ang suplay ng asukal sa bansa ngayong Agosto sakaling ipagbawal ng pamahalaan ang importasyon ng asukal.
Magugunita na ipinahayag ng SRA na isa lamang sa 13 refineries ang operational dahil karamihan sa kanila ay tumigil na sa produksyon noong pang Mayo.
Featured photo: (Philippine News Agency)