Sangkot sa flood control ‘ghost projects’ sa Bulacan mananagot- PBBM

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot ang lahat ng sangkot sa umanoy maanomalyang flood control project sa Bulacan na kinokonsidera na ng Pangulo na isang ‘ ghost project matapos personal na bisitahin ang ilang proyekto sa lalawigan nitong Biyernes.
 
Isa sa ininspeksyon ng Pangulo kasama sina Gov. Daniel Fernando, at Vice Gov Alex Castro ang Rehabilitation of the River Protection Structure sa Barangay Bulusan sa Calumpit, Bulacan na hindi natapos sa mahabang panahon gayundin ang pumping station na nakatiwangwang na lamang.
 
Tiniyak ni Marcos na mananagot sa sambayanang Pilipino ang lahat ng sangkot sa nasabing ghost flood control project nasa gobyerno man o pribado mga kontratista.
 
Dahil dito, kapag tumataas ang tubig sa Pampanga River at karugtong nitong Angat River dahil sa high tide o tuwing may pagpapakawala ng tubig mula sa dam, ganoon din ang taas ng baha sa komunidad na dapat sana’y mapipigil ng dike kung kumpleto ang pagkakagawa nito. 
 
Sa ginanap na site press conference ay ibinida rito ang iregularidad kaugnay sa government’s flood control programs, na nasa 9,855 projects na base sa kontrata ay completed from July 2022 to May 2025 na napondohan ng PhP545 billion budget. 
 
Nabatid na ang lalawigan ng Bulacan ang may pinakamalaking flood control projects na umaabot sa 668 projects na may kabuuang halagang pondo na P6.5 billion, kahit na ang nasabing probinsiya ay hindi nakalista o kabilang sa official flood-prone areas.  
 
Nabatid na isa sa mga flood-control projects ay ang Rehabilitation of the River Protection Structure sa Barangay Bulusan na may project cost na mahigit PhP96.4 million.  
 
Ito ay sa ilalim ng St. Timothy Construction Corporation na kabilang sa top three contractors buhat sa 15 kontratista na nakakuha ng maraming flood-control projects nationwide. 
 
Nababahala naman si Gov. Daniel Fernando na dahil posible umanong marami pang mga flood control project sa lalawigan ang siguradong substandard o ghost project.
 
Aniya, nagulat sila nang ianunsiyo ni Pangulong Marcos na 668 ang flood control project sa Bulacan ngunit wala naman silang nararamdaman kundi ang patuloy na pagbaha sa lalawigan.
 
Nagpadala si Pangulong Marcos ng scuba divers upang suriin ang mga reklamo at ulat kaugnay ng flood control projects sa Calumpit, Bulacan.
 
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan na natabunan ng makapal na silt ang mga pader sa ilalim ng concrete slope protection, dahilan para hindi makita kung may sheet piles pa. Sa pagkapkap ng mga divers, lumabas na hindi na nakadikit ang beam sa anumang sheet pile support at may malinaw na puwang sa pagitan ng dalawa, na dapat sana ay magkadikit para masigurong matibay ang istruktura.