SA MGA BOTANTE NG DISTRITO SAIS NG BULACAN, SULIT ANG BOTO NIYO KAY VILLARAMA

ORAS na lamang ang binibilang at halalan na sa Lunes, Mayo 9 at may simple ako na gustong ihain sa mga botante sa ika-anim na distrito ng Bulacan. 
 
Tanong ko lang muna, gusto niyo bang isugal, mabalewala at masayang ang boto niyo dahil lang hindi sigurado ang hinaharap ng kandidato? 
 
Gusto mo bang tumaya sa mga kandidatong may mga bahid-dungis ang pagkatao o ang kanilang track record? 
 
Ang masasabi ko lang ay pumili na ng siguradong kandidato na walang bahid ang track record para hindi masayang ang boto at hindi masasayang ang pagtaya niyo.
 
Dito ko naman ipakikilala sa inyo si Dr. Ramon Villarama, na kandidatong kinatawan para sa ika-anim na distrito ng Bulacan.
 
At hayaan ninyong ipaliwanag ko kung bakit hindi masasayang ang boto ninyo sa kanya.
 
Siya ang may pinakasolidong plataporma para sa bawat pamilyang nasa ika-anim na distrito ng Bulacan na nakasasaklaw sa mga bayan ng Angat, Norzagaray at Sta. Maria.
 
Prayoridad sa kanyang plataporma ang pag-unlad ng kaisipan ng mga kabataan na walang kakayahang mag-aral kaya isusulong niya ang libreng edukasyon sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bagong distrito ng Bulacan.
 
Hindi rin nawawala sa kanyang plataporma ang pagpapaunlad sa sektor ng mga magsasaka, mga maralitang taganayon, katutubo, kababaihan, at mga manggagawa.
 
Si Dr. Villarama ay isang Atenista at doktor sa larangan ng edukasyon na nagmamay-ari ng isang paaralan kung saan umiiral ang libreng matrikula para sa mga deserving students.
 
Pagdating naman sa larangan ng pulitika ay malawak na ang karanasan ni Dr. Villarama sapagkat mula kanunu-nunuan niya sa pamilya ay maraming beses na ring nagsilbi sa bayan.
 
Ito ang naging timon niya upang siya ay manungkulan na rin at humawak ng mataas na posisyon sa pamahalaang panglalawigan ng Bulacan o sa Kapitolyo.
 
Sino man ang tanungin ay walang masasabi na ni isang bahid ng korupsiyon o pagnanakaw sa pamahalaan na ginawa si Dr. Villarama nang maupo sa pamahalaan.
 
Madaling lapitan, bukas ang palad sa mga humihingi ng tulong, laging nakangiti at parang barkada o kapatid lamang ang turing niya sa mga sumusuporta sa kanya.

Malinis at matinong pamamahala ang kanyang isususulong, sapagkat ito ang susi upang maiangat ang buhay ng lahat, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Walang masasayang! Sulit ang boto! Kay Dr. Ramon Villarama, sigurado tayo!