PINANGUNAHAN ni National Press Club of the Philippines (NPC) president Paul Gutierrez ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong talagang opisyales ng Central Luzon Media Association (CLMA) nitong Biyernes, Disyembre 10, sa Sevilla Paradise, Barangay Labi, Bonganon, Nueva Ecija.
Si Carmela Reyes-Estrope, correspondent ng Philippine Daily Inquirer naka-base sa lalawigan ng Bulacan ang bagong pangulo ng nasabing samahan, kasama niyang nanumpa kay Gutierrez sina Rogie Pangilinan-Executive Vice President; Jude Briones-VP for Print; Jordan Ilustre, VP for Broadcast; Lalaine Santos-Secretary; Eloisa Silverio- Treasurer.
Fred Fausto- Auditor; Mark Eleogo-Business Manager; Lito Ochotorena- Chief Marshall; Richard Serquina-Asst. Chief Marshall; Bonifacio Dacayanan- Secretary General at Alma Ochotorena bilang Ombudsman.
Ayon kay Gutierrez, napakahalaga ng papel ng isang mamamahayag kung kayat dapat ilagay sa wasto ang bawat gampanin ng mga ito upang maka-iwas sa ano mang banta sa kanilang mga propesyon lalo na sa panahon ng eleksyon.
“Let us be always conscious, the more na masyado tayong nagiging partisan lalo na sa panahon ng eleksyon, the more na napapahamak ang ating sarili at ang ating kredibilidad,” sabi ni Gutierrez.
Pinaaalahanan ni Gutierrez ang mga mamamahayag at kapatid sa industriya ng pamamahayag na maging maingat habang papalapit ang eleksyon dahil ito umano ang panahon na tumataas ang tensyon kung magiging partisan na maaaring magresulta aniya sa violence.
Inihalimbawa nito ang masaklap na sinapit ng peryodista na pinaslang kamakailan na si Jess Malabanan na pinagbabaril ng dalawang beses sa ulo ng riding in tandem suspek habang ito ay nasa loob ng kaniyang tindahan sa Calbayog City, Samar.
Sinusugan naman ng bagong CLMA president na si Estrope ang mga naging pahayag ni Gutierrez kung saan sinabi nito na sa ngayon ay wala pang malinaw na resulta ang pulisya at ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa kaso ni Malabanan kung ito ay personal o work-related.
Ganunpaman ay ipinangako ng bagong talagang pangulo ng CLMA na dati ring pangulo ng Bulacan Press Club na kakatawanin at ibaba niya sa mga miyembro ang pagpapaala-ala sa mataas na panuntunan ng matuwid at ligtas na pamamahayag.
Patuloy din pinaalalahanan ni Gutierrez ang mga media practitioners partikular na ang mga kasapi ng CLMA na maging maingat sa panunulat lalo na at nalalapit na ang eleksyon.
“What happened to Jess malabanan proves that tayo ay mortal, na hindi tayo si Superman. We must play our roll as a responsible journalist lalo na sa kalagayan natin ngayong pandemiya and let us always try to uphold our media code of ethics, let us be professional in the best way that we can” wika ni NPC president.
Ang buong pamunuan ng CLMA sa pangunguna ni Estrope ay nagpaabot din ng pakikiramay at dalamhati sa naulila ni Malabanan.
Nabatid na ang labi ni Malabanan ay nakatakdang dalhin ngayong Lunes sa lalawigan ng Pampanga buhat sa Samar upang bigyan ng luksang parangal ng Pampanga Press Club.