
PORAC, Pampanga — Hinimok ng nasa 5,000 mga residente ng Barangay Planas sa bayan ng Porac ang mga government authorities dito na aksyunan ang kanilang hinaing kaugnay ng kanilang di magandang kondisyon na dulot ng mga trak ng basura na dumadaan sa kanilang barangay patungo sa isang Materials Recovery Facility (MRF).
Sinabi ni Barangay Planas Kagawad Rex Ocampo na may 80 trak ng basura ang dumadaan sa nabanggit na barangay araw-araw partikular sa kahabaan ng Purok 1, na kung saan kadalasan ay sa oras ng pagluluto at habang kumakain ay doon mo naaamoy ang mabahong ibinubuga ng mga trak ng basura.
Sinabi ni Ocampo na may humigit-kumulang 5,000 residente sa Barangay Planas ang direktang apektado ngayon ng mga basurang nakatambak sa MRF na pinamamahalaan ng Prime Waste Solutions.
Sinabi ni Ocampo na sinabi sa kanya ng PWS General Manager na hanggang 10pm lang ang operasyon ng MRF ngunit 24/7 pa rin pumapasok ang mga trak ng basura. Aniya, bukod sa apektado ang kalusugan ay nagdudulot din ito sa pagkasira ng kalsada dahil sa mga trak na dumadaan.
Idinagdag pa ni Ocampo na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa Porac LGU at Department of Environmental and Natural Resources (DENR) para maresolba ang problema na ayon sa mga residente ay nagdudulot ng malaking panganib sa kanilang kalusugan.
Noong Martes ng umaga, napag-alaman na ilang trak ng basura na dumadaan sa Purok 1 ng Barangay Planas, ang naobserbahang hindi maayos na natatakpan ang kanilang mga kargamento na nagkalat mula sa mga trak patungo sa barangay road.
Ayon kay Merly Pineda, isang residente rito: “Dapat maipasara na iyan. Hindi na kami makahinga sa baho.”
Sabi pa ng iba, apektado rin ang kanilang mga anak sa mga environmental issues na dala ng mga dumadaang trak ng basura.
Hindi tulad ng mga sanitary landfill, ang pasilidad ng MRF ay nangongolekta lamang ng mga natitirang basura na nakabalot sa mga plastik at nakaimbak sa isang lugar sa loob ng pasilidad.
Gayunpaman, sinabi ng mga eksperto na ang pangmatagalang pag-iimbak ng mga baled at nakabalot na natitirang mga basura ay hindi malinis dahil sa posibilidad na magkaroon ng leachate.
Higit pa rito, maaaring mahawahan ng leachate ang tubig sa lupa na magdudulot ng panganib sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran.
Ito ay bukod sa polusyon sa lupa, polusyon sa hangin, mabahong amoy, mga peste at rodent infestation, pagbabago ng landscape, emissions ng methane, mga hamon sa pamamahala ng leachate, at negatibong epekto sa mga lokal na ecosystem.
Isang katulad na reklamo ang ipinalabas laban sa Prime Waste sa mga operasyon nito sa Binaliw Landfill sa Cebu City — mabahong amoy at hindi ginagamot na basurang tubig.
May mga ulat na plano ni Mayor-elect Nestor Archival Sr. na suriin kaagad ang pagsunod ng pasilidad sa mga regulasyong pangkalikasan.
Sinabi ni Archival na dapat tugunan ng operator ang matagal nang mga isyu sa kapaligiran at kalusugan ng mga residente o harapin ang pagsasara.