Relokasyon bago demolisyon sa Northbay Boulevard sa Tondo, hiniling

Hiniling ng may 34 informal settlers’ families (ISFs) sa pamahalaang lokal ng Maynila na mabigyan sila ng kaukulang relokasyon bago maganap ang demolisyon sa kanilang tahanan sa isang pribadong lupain sa Northbay Boulevard, Tondo.

 

Mapayapang naisagawa ng mahigit 100 kasapi ng Northbay Neighborhood Association (NCNA) ang piket-protesta sa harapan ng Manila City Hall at idinulog nila ang kahilingan sa tanggapan ni Mayor Honey Lacuna na makapaglaan ito ng relokasyon para sa mga pamilyang maapektuhan ng demolisyon.

 

Kalakip ng kahilingan ang ganap na pagpapatupad sa isinasaad sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA), na responsibilidad ng gobyerno na tiyakin ang pagbibigay ng disente at abot-kayang pabahay sa bawat Pilipino lalo na yaong underprivilege family o walang tirahan.

 

Ayon kay Anthony Yuson, President ng NCNA, nakatanggap sila ng liham sa korte na nag-aatas na lisanin ang kanilang tirahan sa Pebrero 26 sa isang pribadong lupain ng Philippine Span Asia Carrier Corporation (PSACC), dating Sulpicio Lines Incorporated. 

 

“Nakakalunos na malaman namin mula sa isinagawang Pre-Demolition Conference noong Pebrero 5, 2024 nang inihayag ng kinatawan ng Manila Urban Settlement Office na walang pondo ang lokal na pamahalaan para sa tulong pinansyal at hindi sakop daw ng relokasyon ang tulad naming maralita na naninirahan sa pribadong lupain”, himutok ni Yuson.

 

Iginiit ng samahang NCNA na kabilang sila sa mga kapos-palad at walang tirahan at responsibilidad ng gobyerno na tiyakin ang pagkakaloob ng disente at abot-kayang pabahay sa bawat Pilipino na nakasaad din sa Konstitusyon ng Pilipinas.

 

Bagamat ang PSACC ay nag-aalok ng tulong pinansyal ngunit ang halaga kaloob ay hindi sasapat upang maka-agapay kami sa epekto ng biglaang pagkawala ng kanilang mga tahanan, saad pa ni Yuson.

 

Hiling pa ng grupo ng maralita kay Mayor Lacuna na maisama sila bilang benepisyaryo ng lungsod sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

 

“Nais naming manatiling nainirahan sa Lungsod ng Maynila kung saan ay malapit sa aming pinagtatrabahauan at para hindi na rin maabala ang pag-aaral ng aming mga anak”, giit ni Yuson.

 

Sa pinakahuling ulat ay may nakatakdang isang dialogue ngayong araw sa tanggapan ng pamahalang bayan ng Manila para “maremedyuhan” umano ang kalagayan ng pamilyang maralita mula sa napipintong demolisyon.